LUCENA CITY – Sugatan ang isang 22-anyos na binata matapos na tadtarin ng saksak ng kanyang tatay sa kanilang inuman sa Lucena City nitong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ang biktimang si Jony Abenoja Tamayo, pedicab driver, residente ng Barangay Dalahican.
Batay sa report ng Lucena City Police, dakong alas-11:30 ng tanghali, nasa kasagsagan ang inuman sa kanilang bahay dahil sa pagdiriwang ng kaarawan ng biktima nang makasagutan nito ang kanyang tatay na si Eladio Tamayo, 56-anyos, isa ring pedicab driver.
Sa tindi ng galit, tuluyang nagwala ang anak, naglabas ng kutsilyo at ipinagtutumba ang mga mesa at bangko na pinag-iinuman at ibinalibag ang mga bote ng alak.
Inawat ito ng kanyang tatay subalit hinawakan ito sa kuwelyo ng damit at inaambaan ng saksak.
Nang makawala ang tatay, nakakuha ito ng kutsilyo sa kanyang pedicab at inundayan ng saksak ang anak.
Natadtad ng saksak sa katawan ang biktima na isinugod sa ospital habang inaresto naman ng nagrespondeng mga barangay tanod ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong frustrated parricide. (NILOU DEL CARMEN)
