Passport pinakakansela sa DFA SOLON: BRING HOME ZALDY CO ASAP

KINALAMPAG ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang passport ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co upang mapilitang umuwi sa bansa at harapin ang mga kasong katiwalian kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

“Bring him home ASAP,” giit ni Tiangco. “The DFA should cancel Zaldy Co’s passport at once to make sure he comes back and faces the administrative and criminal charges against him.”

Ang panawagan ay kasunod ng subpoena na inilabas ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para kay Co na humarap sa imbestigasyon sa Oktubre 14.

Babala ni Tiangco, dapat magmadali ang DFA dahil posibleng mag-apply ng citizenship si Co sa bansang walang extradition treaty sa Pilipinas.

“Time is of the essence. Kung makakuha siya ng citizenship sa ibang bansa, sino ang mananagot?” aniya.

Lumabas na wala na sa Pilipinas si Co mula pa noong Agosto, at ayon sa kapartidong si Rep. Alfredo Garbin, nasa Amerika umano ito para magpagamot. Ngunit napag-alamang nasa Madrid, Spain na siya matapos magbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol noong Setyembre 29.

Maging si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay nanawagan na ring kanselahin ang pasaporte ni Co upang mapilitan itong umuwi.

“Pauwiin na kaagad si Zaldy Co. Ngayong may subpoena na mula sa ICI, wala nang dahilan para hindi ito kanselahin. Ang pinag-uusapan dito ay pera ng taong-bayan,” sabi ni Tiangco.

Samantala, nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi maaaring kanselahin ang pasaporte ng isang indibidwal hangga’t wala itong kasong isinampa o pruweba ng ilegal na paggamit.

“Posibleng maibasura lang sa korte ang kahilingan kung walang kaso o batayan,” paliwanag ni Castro.

(BERNARD TAGUINOD)

19

Related posts

Leave a Comment