PATIKIM NG WELGA

HINDI pa man naisasagawa ang bantang welga ng mga tsuper at operators ng mga pampasaherong dyip, ramdam na ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region ang hirap sa transportasyon patungo sa trabaho at pauwi sa kani-kanilang tahanan.

Dangan naman kasi, marami na sa kanila ang nagpasyang tumigil muna sa pagbiyahe sa paniwalang aksaya lang sa pagod, panahon at krudo ang araw-araw na pamamasada.

Para sa mga tsuper, hindi na nila kakayanin pang kumita nang sapat para sa kanilang pamilya matapos ang maghapong pagpasada sa mga lansangang saklaw ng kanilang ruta.

Sa isang banda, may basehan ang kanilang pangamba. Doble na ang presyo ng krudo ­kum­para sa antas nito noong Setyembre ng nakalipas na taon.

Bagamat inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pisong dagdag sa singil ng pamasahe sa Metro Manila, ‘di pa rin uubra lalo pa’t kinakain lang ng mabigat na daloy ng trapiko ang oras nila sa kalsada.

Ang resulta – pagkahaba-habang pila sa MRT at LRT stations sa Metro Manila.

Sa pinakahuling tala ng Department of ­Energy (DOE), halos pumalo na sa P80 kada litro ang presyo ng krudo sa NCR. Ang masaklap, inaasahan pang magpapatuloy ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo – hangga’t hindi natatapos ang hidwaan sa pagitan ng dalawang oil exporting countries – ang Ukraine at Russia.

Kung ngayon pa lang ay sukdulang perwisyo na ang pagliban ng mga tsuper sa kanilang pamamasada, paano pa kaya kung isakatuparan ng public transport groups ang kanilang bantang malawakang tigil-pasada.

Sapat ba ang programang libreng sakay ng gobyerno? Ang totoo, hindi kakayanin ng limitadong saklaw ng libreng sakay ang dami ng mga pasahero.

Hindi rin naman kakagatin ng mga tsuper at operators ang panibagong contracting service program ng Department of Transportation (DOTr) na umani ng tuligsa dahil sa kabiguan nitong tumupad sa kontrata.

Ang tanong: May solusyon bang kalakip ang malawakang tigil-pasada?

Ang sagot: Wala. Pero hindi rin naman angkop na magpakapagod lang ang mga tsuper sa pagbiyahe para lamang sa wala.

144

Related posts

Leave a Comment