TALAGA namang walang kakupas-kupas ang polisiya ng gobyerno. Mula sa paglapag ng virus na galing pa sa Tsina hanggang sa dumami na ang variants mula Alpha hanggang Omega, pagtugon sa peligro, animo’y patintero sa gitna ng kalsada.
Sa gitna ng ikatlong bugso ng nakamamatay na karamdaman, ang Palasyo ay nagpasya. Ang sabi ng tagapagsalita, ang bansa ay bubuksan na.
Katunayan mula ngayong araw, mga banyaga ay pasok na kahit pa sila’y magmumula sa mga bansang dating kinandaduhan na. Katwiran ng mga henyo sa gobyerno, iba na ang sigurado.
Ang sabi pa ng Palasyo, ang virus no entry muna. Ang travel ban biglang idineklara sa mga bansa kung saan ang nakahahawang sakit ay laganap na. Nakatutuwa naman sabi ng mamamayan sa pag-aakalang sila’y pinahahalagahan.
Pero ‘di nagtagal, ang polisiya binawi na. Katwiran ng Inter-Agency Task Force (IATF), kailangang manimbang sa pagitan ng kalusugan at kabuhayan – kaya naman ngayon, ang nakamamatay na virus, welcome na.
‘Di yata alintana ang peligro ng pandemya na para bang walang bahid ng pagkabahala sa natunghayang eksena sa India.
Bukod sa India, pasok din ang mga manlalakbay mula sa mga bansang Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia kung saan ang pandemya hanggang ngayon ay banta pa.
Katunayan, kabilang ang nasabing mga estado sa talaan ng mga bansang nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso bunsod na rin siguro ng pagsulpot ng higit na mabagsik na mutated coronavirus strain na kung tawagin ay Delta.
Paano nga ba tinimbang ng gobyerno ang kalusugan at kabuhayan? Pihadong may dayaan sa timbangan. Akalain mo ba naman, mas pinahalagahan ang kalansing ng pera kaysa kaligtasan.
Sa isang banda, tama rin naman dahil ang kanilang polisiya, magsasampa ng kita nang sa gayon ang hukluban ay matuwa sa kanila. Sa madaling salita, mayroon silang formula: Kung walang problema, wala rin kita – sukdulang isugal pati buhay ng madla.
Kaya tayo ngayon, maglalaro muna. Pwedeng pitik-bulag o patintero sa kalsada, kung saan ang mahina, alam na ang kahahantungan.
