PILIT na binibigyang kulay at ginagawan ng kontrobersya ang mga proyekto ng pamahalaan na direktang pinakikinabangan ng ating mga kababayan.
Bakit kasi hindi maalis-alis sa kultura natin na kapag ang puno, hitik sa bunga, binabato?
Ganiyan natin mailalarawan ang proyektong Free Wi-Fi for All Program (FW4A) ng Department of Information and Communications Technology o DICT na pinamumunuan ng beteranong mambabatas at Action Man na si Secretary Gregorio Honasan II.
Nang umupo si Honasan sa DICT pagkatapos ng kaniyang termino sa Senado noong 2019 ay nakalatag na ang proyektong FW4A na proyekto ng pamahalaan simula noon pang 2016.
Kakabuo pa lang sa DICT noon bilang isang bagong departamento ay isinulong na nila ang isa sa pangunahin nilang proyekto. Ito nga ay ang Free Wi-Fi For All. Bukod pa doon sa kanilang talagang mandato na pagtutok sa development at promotion ng information at communications technology sa buong bansa.
Kaso lang ay hindi naging epektibo ang mga kalihim na nauna kay Honasan sa DICT. Hindi nila agad-agad na nagawa o naisakatuparan ang proyekto. Maaaring kanilang nasimulan pero hindi umabot sa inaasahan ang dapat sana ay maipagmamalaking proyekto ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.
Ang target noon na Free Wi-Fi sites ay 120,000 sa buong Pilipinas. Pero malabo na itong matupad dahil sa pagiging makupad ng mga naunang opisyal ng ahensiya.
Mantakin ninyo, mula 2016 hanggang 2019 ay umabot lang pala sa 3,251 ang FW4A na naitayo ng mga dating kalihim sa DICT? Pero simula nang umupo si Secretary Honasan matapos ang kanyang maningning na termino sa Senado, ang naitayo na nilang Wi-Fi sites sa iba’t ibang panig ng bansa ay mahigit na sa limang libo. Yung nagawa sa loob ng tatlong taon, ay nadoble ni Honasan sa mahigit isang taon lamang.
Kaya naman pala itong gawin pero bakit hindi ito nagawa ng mga dating pinuno sa ahensiya. Baka kulang sa diskarte o kaya ay inuna muna ang porma bago ang trabaho?
Ang masaklap, ngayong unti-unti nang nararamdaman ang tagumpay ng proyekto ay saka ito babatikusin at magpapalabas ng kung ano-anong diumano’y mga kontrobersya.
Ang sabi ba naman ng sinibak na dating DICT Secretary Eliseo Rio, masyado raw malaki ang gastos ngayon sa proyekto kumpara noong panahon niya sa pwesto. Hindi rin daw requirement ang mabilis na Wi-Fi service dahil hindi naman daw pupunta ang mga tao sa lugar na kung saan meron nito para manood lang ng Netflix o maglaro at magdownload ng online games. Kaya raw naglalagay ng mga free Wi-Fi ay para lang makapag-apply ng online government services ang mga tao, makipag-usap sa kanilang pamilya at sa edukasyon.
Eh kaya pala nasibak itong si Rio sa DICT ay dahil kulang ito sa tinatawag na ‘vision’ para sa departamento. Wala ring common sense at kulang sa pagiging praktikal ang opisyal na ito. At pagkatapos ay panay pa ang banat ngayon sa magandang performance ng grupo ni Secretary Honasan.
Sourgraping ang tawag dun!!!
Napag-alaman na nung simulan ni Rio ang proyektong free Wi-Fi ay 2mbps lang ang maibibigay nitong serbisyo? Saan pupulutin ang proyekto kung ganun kabagal ang ilalagay na Wi-Fi sa mga pampublikong lugar? Wala yun benepisyo at malamang ay puro mura, kantiyaw at batikos lang ang gagawin ng taumbayan.
Hindi ba’t mas makabubuti na kapag nagsulong ng isang proyekto ang pamahalaan ay dekalidad ito at talagang kapaki-pakinabang na siyang totoong serbisyo para sa nakararami nating mga kababayan?
Hindi man maabot ang target na 120,000 Free Wi-Fi sites sa 2022 dahil sa kapalpakan ng mga naunang umupo sa DICT, tiyak na pipilitin ni Secretary Honasan na magkaroon ng magandang legacy sa ahensiya. Patutunayan niyang muli na isa siyang Action Man.
140
