PATUNAY NG KAPALPAKAN

HINDI mawari ng gobyerno kung ano ang magiging hakbang nito sa lumalalang sitwasyon kaugnay nang patuloy na banta ng pandemya.

Hindi sapat ang katagang nakadidismaya para ilarawan ang tila eksperimentong ginagawa nito mula pa noong buwan ng Marso ng nakaraang taon.

Ang nakatatawa, mas bilib pa ang Pangulo sa mga retiradong heneral na itinalaga para tumugon sa hamong kung tutuusin ay dapat pangasiwaan ng mga manggagamot, siyentipiko at mga eksperto mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Kaya heto tayo ngayon – litong-lito sa dami ng bokabularyong inimbento. May ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ, may GCQ with heightened restrictions, may granular lockdown at marami pang iba. Ang siste, lahat ng mga ito’y ‘di umubra. Mismong si Health Secretary Francisco Duque, aminado.

Nito lamang nakaraang mga araw, ang sabi ng Palasyo, ang Metro Manila balik-GCQ sa kabila nang nararanasang ikatlong surge ng bilang na katumbas ng mga tinamaan ng lintek ng ­COVID-19. Ito ay isang pasyang lubhang ipinagtaka ng publiko.

Mantakin mong bigyang laya ang paggagala sa Metro Manila habang 22,000 kaso ang arawang rehistro batay sa datos mismo ng ­gobyerno.

Sa pag-iingay ng mga eksperto, tila natauhan ang Palasyo kaya naman agad na binawi ang pasya ng Pangulo. Sa madaling salita, balik-MECQ tayo.

Sa totoo lang, paulit-ulit naman ang suhestiyon ng mga totoong eksperto kung paano ang tamang pagtugon ng gobyerno. Eh kaso nga, ayaw magpasapaw ng mga bida sa Palasyo kaya walang pinakinggan isa man sa mga ito.

Sabi ng mga tunay na eksperto, tutukan ang pagbabakuna sa publiko. Kaya lang ang ­problema, kapos ang bakuna.  Ano raw? Eh saan napunta ang trilyong pisong inutang ng ­gobyerno?

Sabi naman ng mga kritiko, balansehin ang kalusugan at kabuhayan. Anila, pahintulutan ang mga bakunadong makapagtrabaho. ‘Yun ay kung may babalikan pang trabaho.

Sa mga kaganapan sa bansa, isa lang ang malinaw. Walang direksyon ang gobyernong pinamumunuan ng balisawsawing Pangulo.

Ilang ulit na ba siyang nag-atras abante sa kanyang mga sinabi? Hindi na mabilang. Dangan naman kasi iba ang inaasikaso – panunuligsa, ­pamumulitika at ang hangad na manatili sa pwesto.
Sabi nga minsan ng Pangulo – pakialam ko sa inyo!

144

Related posts

Leave a Comment