PBA MAGSASAKRIPISYO SA GILAS

Ni VT ROMANO

DALAWA mula sa tatlong komperensya ang naka-kalendaryo sa PBA Season 48.

Ito ay bilang suporta sa kampanya ng national basketball team para sa FIBA World Cup, kung saan co-host ang Pilipinas mula Agosto 25 hanggang Setyembre 23, 2023.

Una rito, ipahihiram ng PBA ang mga manlalaro mula sa 10 teams, na hindi lumalaro o hindi lalaro sa Philippine Cup title series, para sa komposisyon ng Gilas Pilipinas na sasabak sa susunod na buwang FIBA World Cup Asian Qualifiers fourth window.

“All-out ang support natin para sa Gilas,” sambit ni league commissioner Willie Marcial matapos ang board meeting nitong nakaraang Huwebes at sa panayam ng ‘Power & Play’ ni former commissioner Noli Eala.

Ayon kay Marcial, aprubado na ng board ang dalawang conference sa susunod na season at pag-uusapan na lamang kung magsisimula ito (Season 48) matapos ang World Cup.

“Okay na sa board na two conferences lang tayo next season. Tinitignan namin by September next year ang start after the World Cup, most likely All-Filipino then may isang import conference,” esplika ni Marcial. ­”Malaking tulong sa Gilas sa preparation nila for 2023.”

Target ni Gilas coach Chot Reyes makabuo ng pinakamalakas na koponan mula sa PBA para sa FIBA World Cup.

“Magbibigay tayo ng one conference para sa Gilas at suportado ito ng lahat ng team owners kaya naman nagpapasalamat ako sa team owners sa tuloy-tuloy na suporta nila,” dagdag pa ni Marcial.

Uunahing bubuuhing koponan ang para sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers laban sa Lebanon sa Agosto 25 at Saudi Arabia (Agosto 29). At manggagaling ang mga manlalaro mula sa 10 teams, na hindi lalaro sa finals ng ongoing Philippine Cup.

“Okay din ang board na kumuha si coach Chot sa 10 teams na wala sa finals for this coming window,” ani Marcial.

224

Related posts

Leave a Comment