Ni ANN ENCARNACION
ASAM ng Japan B.League na maging National Basketball Association (NBA) version sa Asya.
Nabatid ito mula sa ilang mga beteranong ahente at manager ng local basketball players sa bansa.
Ayon sa sources, gusto ng naturang liga na pagsama-samahin ang pinaka-mahuhusay na basketball player sa kontinente upang mas lumawak pa ang fan base nito, gaya ng NBA na kilala at sinusubaybayan sa halos buong mundo.
Ito anila ang dahilan kaya’t patuloy ang pagkuha ng B.League ng Pinoy players dahil isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming basketball fans worldwide.
Katunayan, umingay ang Japanese league simula nang kunin ng San-En Neophoenix si Thirdy Ravena noong nakaraang taon.
Kasunod nito, inimport na rin ang kapatid nito na si NLEX’s Kiefer Ravena ng Shiga Lakestars, habang si Bobby Ray Parks Jr. ng TNT ay sa Nagoya Diamond Dolphins.
Ilan pa sa Pinoy hoopsters na naglalaro ngayon sa Japan sina Kobe Paras ng Niigata Albirex BB, Dwight Ramos ng Toyama Grouses, magkapatid na Juan Gomez de Liano ng Tokyo Z Earthfriends at Javin Gomez de Liano ng Ibaraki Robots, at Kemark Carino ng Aomori Wat.
At hindi nagtatapos sa kanila ang interes ng Japanese league sa Pinoy lalo sa PBA players, dahil plano rin nilang kunin ang serbisyo nina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at six-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng SMB.
Nabatid na inaalok ng isang Japanese team si Aguilar ng P2M kada buwan sa unang taon, P2.8M sa sunod na taon at 3.5M sa ikatlong taon.
Sa ngayon ay tumatanggap siya ng maximum contract na aabot sa mahigit na P950,000 kada buwan sa Ginebra.
‘Sky is the limit’ naman ang inuumang ng isa pang koponan para naman kay Fajardo.
Maliban sa kanila, kursunada rin umano ng B.League sina Robert Bolick ng NorthPort, Christian Standhardinger ng Ginebra, Jericho Cruz ng NLEX, Roosevelt Adams ng Blackwater at CJ Perez ng SMB.
