“HE’S lying!”
Ito ang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ipinagkakalat ni dating pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte at supporters nito na di umano’y sinadya niya (Pangulong Marcos) na pirmahan ang national budget na may mga ‘blank section’.
“He’s a former President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying. And he’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview matapos dumalo sa paglulunsad ng TESLA Center Philippines sa Tesla Center, Uptown Parade, Uptown Bonifacio, BGC Fort Bonifacio, Taguig City nitong Lunes.
Sinabi pa ng Pangulo na sa buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi pinayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano ang proyekto, gastos at pondo.
Binanggit din ng Pangulo na napanood niya sa balita at nakarating sa kanya ang mga sinasabi ng tao na 4,000 pahina ang 2025 national budget.
“Papaano namin bubusisiin yan. Para titingnan namin iisa-isa. Hindi na lang. Meron namang kopya, that’s available on the website of the DBM. Tingnan nyo, huwag na ninyo busisiin isa-isa. Hanapin niyo yung sinasabi nila na blank check. Tignan nyo kung meron kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasabi’ kong kasinungalingan ‘yan, That’s my reaction,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.
Nauna rito, mariing kinondena ng Malakanyang ang “fake news” sa online hinggil sa 2025 national budget na ipinakakalat umano ng mga supporter ni dating pangulong Digong Duterte.
Pinalalabas di umano ng grupo ni Duterte na ang “blank check” scheme ay para sa ‘future allocations.’
Sa isang kalatas, pinabulaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang paratang na ito ng grupo ni Duterte.
“The peddling of such fake news is outrightly malicious and should be condemned as criminal. No page of the 2025 National Budget was left unturned before the president signed it into law,”ayon kay Bersamin. (CHRISTIAN DALE)
