PBBM DUDA RIN SA PAGKAMATAY NG MIDDLEMAN SA PERCY LAPID SLAY

MAGING si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay hindi kumbinsido na natural cause ang sanhi ng pagkamatay ng inmate sa New Bilibid Prison na itinurong middleman sa pamamaslang sa veteran broadcaster na si Percy Lapid.

Sa ambush interview sa Pangulo matapos ang dinaluhang event sa Manila Hotel, sinabi nito na sa ngayon, ay wala namang nakitang lason o gamot na ibinigay kay Crisanto Villamor para ito mamatay.

“The toxicology report came back and mukha talagang walang lason o walang gamot na ibinigay doon sa namatay,” pahayag ng Pangulo.

“But we still — still not satisfied that it was natural causes. Sabi ko, tingnan niyo nang mabuti because there are ways to kill a person that do not show up in the medico legal. So tuloy-tuloy pa ang imbestigasyon,” pahayag ng Pangulo.

Interesado rin ang Pangulo na matukoy ang mastermind sa pagpatay kay Lapid o Percival Mabasa.

Sa nasabing panayaw ay nilinaw rin ng Pangulo ang obserbasyon partikular ng pamilya Mabasa na naging tahimik siya sa kaso.

Depensa ng Pangulo, minomonitor niya ang kaso at kinausap din niya sina Interior Secretary Benhur Abalos at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para bantayan ang kaso ni Lapid.

Ang PNP (Philippine National Police) naman aniya ay hindi na kailangan utusan dahil alam nila ang kanilang trabaho.

“We do not have any particular directives. The police know what to do. I’ll just get in the way. Imbestigahan ninyo nang mabuti. Alamin natin nang mabuti kung sinong behind this. Hanggang ngayon, hindi pa — hindi pa tayo nakakasiguro,” pahayag ng Pangulo.

“But more importantly, is to really trace saan nanggaling ito? Who gave the order? Sino ‘yung — sino nagbigay doon sa preso na orderin ang shooter na gawin ito at bakit? That is what we are working on now,” dagdag ng Pangulo.

Samantala, inihayag naman kahapon ni Southern Police District (SPD) Director BGen. Kirby John Brion Kraft na may bagong rebelasyon ang sumukong gunman sa pamamaslang sa broadcaster.

Ayon sa opisyal, nadagdagan ang mga binanggit na pangalan ni Joel Escorial na may kaugnayan umano sa pagpatay kay Lapid.

Masusi namang iniimbestigahan ng SPD ang mga bagong impormasyon mula sa gunman.

Kung totoo umano ang mga bagong rebelasyon ni Escorial ay malaki ang maitutulong nito sa pagtukoy sa mastermind sa krimen.

Kabilang sa hawak ng mga awtoridad ang bank account ni Escorial kung saan nakita sa record kung sino ang nagbayad sa kanya para patayin si Lapid. (CHRISTIAN DALE)

207

Related posts

Leave a Comment