KINALAMPAG ng oposisyon sa Mababang Kapulungan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa patuloy umanong pagbabalewala nito sa panawagan para sa umento ng mga manggagawa sa buong bansa.
Kasabay nito, hiniling ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa liderato ng Kamara na pabilisin ang deliberasyon sa mga panukalang naglalayong magpatupad ng P200 across-the-board legislative wage increase, sa kabila ng pagtanggi ng pangulo na sertipikahan ang mga ito bilang urgent.
“Two hundred peso minimum wage increase ang tunay na pamasko para sa mga manggagawa, hindi yung kathang-isip na 500 noche buena. Konting bilis naman sana, baka abutan pa ito ng Three Kings, wala pa ring taas-sahod,” pahayag ni Cendaña.
Dagdag pa ng kongresista, kung totoong mino-monitor ni Marcos ang Trillion Peso March, sana ay narinig nito ang paalala ni Cardinal David na “magtrabaho ka naman.”
Ayon kay Cendaña, mismong economic managers ng pangulo ang umanong sumabotahe sa wage increase bill noong nakaraang taon matapos kontrahin ang naipasa nang bersyon ng Kamara, dahilan kaya hindi ito naaprubahan sa Senado.
Ngayong Kongreso ay muling inihain ang naturang panukala, ngunit hanggang ngayon ay hindi umano ito binibigyang-priyoridad ng pangulo, habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin at lumalalim ang paghihirap ng publiko.
Iginiit din ni Cendaña na panahon na para “magpakitang gilas” ang Kamara sa pamamagitan ng mabilis na pagpapatibay sa wage hike bill upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa Kongreso.
“Kung seryoso ang Kamara na makuha ang tiwala ng taumbayan, dapat minamadali natin ang pagtaas ng kinikita ng mga manggagawa. Hirap magtiwala ang publiko sa mga pangakong reporma kung nakikita nila ang agwat ng pamumuhay ng mga public officials sa pamumuhay nila,” ani Cendaña.
(BERNARD TAGUINOD)
53
