PBBM, NA SET-UP SA UNGA?

BISTADOR Ni RUDY SIM

MATAPOS ang limang araw na working visit ni ­Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Amerika ay tila ikinatuwa ng mga dilawan ang nilangaw na talumpati nito sa plenary hall sa dinaluhang 77th United Nations General Assembly (UNGA) at ikinumpara ang pagdalo nina Cory Aquino noong 1986 at Noynoy Aquino noong 2015 na dinaluhan ng marami.

Sa kabila nito ay hindi ito naging sagabal sa Pangulo at taas-noo nitong sinabi sa kanyang talumpati ang kanyang plano upang lalong mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa at mahikayat ang American investors na magnegosyo sa Pilipinas.

Naging matagumpay ang paghaharap nila ni US President Joe Biden na nangakong susuportahan si PBBM na makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

Hindi biro ang kinahaharap na mga problema ngayon ng bansa lalo’t hindi maawat ang patuloy na pagsadsad ng piso sa palitan kontra dolyar at ang epekto nito ay ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin na ­labis na nakaapekto sa mas ­maraming Pilipino na ­kumakalam ang sikmura.

Dapat ding patatagin ni PBBM ang kanyang Uniteam upang maiwasan ang posibleng pagbagsak ng ­administrasyon dahil sa ilang mga taong ­nakapaligid sa kanya na imbes na makatulong ay lalong hinihila paibaba ang sana’y pag-ahon ng pamahalaan kagaya na lamang ng isang ahas sa Palasyo kung saan ay nag-leak ang isang mahalagang dokumento na dapat ay sa loob lamang.

Ang katagang “What you see, what you hear, if you leave, leave it here,” ay mahalagang disiplina hindi lamang sa loob ng tahanan kundi ito’y mahigpit na ipinatutupad sa buong mundo partikular sa government agencies upang protektahan ang ano mang mahalagang impormasyon na may kinalaman sa seguridad ng bawat bansa.

Ilang netizens ang nagpadala sa atin ng mensahe kung bakit daw ang ginamit nating salita sa nagdaang artikulo natin ay patungkol sa isang ahas sa Palasyo.

Ang nagpalabas kamakailan ng isang sensitibong dokumento na may kinalaman sa draft special at administrative order na kahilingan ng nagbitiw na si Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez sa kanyang bagong tungkulin bilang Presidential Chief of Staff, ay hindi maituturing na pagmamalabis sa kapangyarihan kundi upang lalong mapabuti ang kanyang pagsisilbi sa Pangulo at sa bansa.

Ano ang motibo ng taong ito upang siraan si Rodriguez? Sino ba ang taong nagmalasakit kay BBM mula pa noon? Kahit sa banal na aklat ay maraming nasusulat patungkol sa pagbagsak ng isang tao dahil sa ahas.

Nariyan sina Eva at Adan na namuhay sa isang paraiso ngunit dahil sa tukso ay napatalsik mula sa magandang pamumuhay.

Ang tiwala ng Pangulo ay dapat ingatan at maging aral sana sa kanya ang nangyari sa kanyang ama at sa kanilang pamilya.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

158

Related posts

Leave a Comment