DUMATING na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan para sa five-day official visit nito.
Eksaktong 5:36 pm (Tokyo time) dumating si Pangulong Marcos sa Tokyo International Airport.
Kasama sa entourage ni Pangulong Marcos sina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, mga importanteng miyembo ng kanyang Gabinete at ilang mambabatas gaya nina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez, at Senior Deputy Speaker and Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakikita na ang official visit ng Pangulo sa Japan ay may malaking ‘bearing’ sa economic development at mutual defense.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may ilang bilateral deals ang inaasahan na lalagdaan ng dalawang gobyerno.
Bukod sa ‘infrastructure at defense,’ ang iba pang kasunduan ay may kinalaman sa agrikultura at impormasyon at communications technology.
Sasamahan din ng business delegation si Pangulong Marcos sa mga pagpupulong nito habang ang Chief Executive ay nasa Tokyo — talakayan na naglalayon ng direct investments tungo sa Pilipinas.
Inaasahan naman na makakapulong ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng Imperial Family ng Japan bago pa ang pakikipagpulong kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Ibinahagi naman ng DFA na sina Marcos at Kishida ay nagkaroon na ng pagpupulong sa sidelines ng United Nations General Assembly (UNGA) sa New York, United States na idinaos noong Setyembre 2022.
Matapos ito, magkakaroon naman ng pagkakataon ang Pangulo na makapulong ang Filipino community sa Japan, gaya ng ginawa niya sa kanyang mga naunang byahe. (CHISTIAN DALE)
