PBBM, PAIIGTINGIN ANG STEM EDUCATION PARA SA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ANG pag-unlad ng ekono­miya ay karaniwang nagsisimula sa kaalaman at karunungan ng mga mag-aaral. Ang mga ito ang humuhubog ng ­talento at pagiging malikhain ng mga mag-aaral na kanilang kakailanganin sa trabaho.

Kaya naman ang eduka-syon ang isa sa mga tinututukan ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lalung-lalo na ang pagpapaigting sa science, technology, engineering, and mathematics (STEM) education upang mas maihanda ang Pilipinas sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Sa kauna-unahan niyang State of the Nation Address (SONA), inatasan ni PBBM ang Department of Education (DepEd) na paghusayin ang STEM education upang lubos na mahasa rito ang talino at pagiging problem-solver ng mga mag-aaral.

“The internet has now become the global marketplace, not only for goods and services but also for ideas and even extending to our personal interactions” aniya.

Ang antas ng Pilipinas pagdating sa worldwide STEM index ay umakyat na sa ika-54 noong 2019 mula sa pang-73 na ranggo noong 2018 dahilan sa K to 12 curriculum na ipinatupad sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Bagama’t tumaas ang ating antas, nararapat pa rin itong bigyan ng higit na atensyon dahil sa kakulangan ng mga mag-aaral na nagtapos sa kursong may kaugnayan sa STEM kumpara sa surplus sa mga mag-aaral na nagtapos ng kursong Information Technology.

Naniniwala akong kakayanin nating makamit ang advanced STEM education sa pamamagitan ng pagsasanay at pag-develop sa ating mga guro sa larangan ng STEM, pagsasaayos sa kasalukuyang kurikulum upang paigtingin ang STEM subjects, at paghihikayat sa mga estudyante na kumuha ng kursong may kaugnayan sa siyensya at teknolohiya.

Ayon sa isang pag-aaral ng Department of Science and Technology, nahihirapan ang mga mag-aaral na i-absorb ang mga siyentipikong konsepto, kung kaya’t higit na kailangan nating magtulungan sa pagta­taguyod ng mas maraming mga science center na makatutulong sa paghasa at paghubog ng science literacy levels at hi­hikayat sa mga mag-aaral na kumuha ng kursong may kaugnayan dito.

Dagdag pa, nararapat ding magbigay ang ating pamahalaan ng scholarship opportunities para sa mga mag-aaral na kukuha ng kursong may kaugnayan sa STEM, lalo pa at ang pag-aaral sa larangang ito ay napakamahal.

Ang mga developing country ay umunlad dahil higit nilang hinasa ang talento ng kanilang mamamayan sa siyensiya at teknolohiya. Ngayon, tinatamasa na nila ang bunga ng kanilang pinamuhunan.

Kakayanin ding umunlad ng Pilipinas katulad ng mga bansang ito kung ating huhubugin ang ating susunod na mga manggagawa sa siyensya at teknolohiya. Ang kailangan lang natin ngayon ay nagkakaisang aksyon mula sa gobyerno at pribadong sektor. Sa ganitong pakikipagtulungan ay tiyak na magtatagumpay ang STEM.

416

Related posts

Leave a Comment