(CHRISTIAN DALE)
KASUNOD ng pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang ekonomiya ng Pilipinas ay patungo na sa tamang direksyon.
Ito’y matapos tanggapin ni Pangulong Marcos ang ulat ng kamakailan lamang na pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na walang hanapbuhay mula sa naunang buwan.
Nangako naman ang Punong Ehekutibo na paghuhusayin pa nito ang kalidad ng hanapbuhay para tugunan ang underemployment.
Winika ng Pangulo na nakatuon na ang kanyang pansin sa job generation bago pa siya naging Pangulo ng bansa.
Sa kabilang dako, makikita sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mayroong 2.50 milyon ang unemployed persons na may edad 15 pataas nito lamang Setyembre na mas mababa sa 2.68 milyong jobless Pilipino noong Agosto.
“Eversince we started with the economic team, even before I took office, we really concentrated on the creation of jobs … and that’s why it is having the effect now of bringing down our employment rate,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang kalatas.
“We just have to be able to tolerate the shocks that are coming from abroad. But otherwise, the economy is moving in the right direction,” dagdag nito.
Ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabahong Pinoy ay may katumbas na unemployment rate na 5%, na mas mababa sa 5.3% unemployment rate sa nakalipas na buwan.
Sa kabila ng pagbaba ng kawalan ng trabaho, ang bilang ng mga employed Filipino ay bumaba sa 47.58 milyon nito lamang Setyembre mula sa 47.87 milyon noong Agosto, may katumbas na employment rate na 95% mula 94.7% sa naunang buwan.
