PBBM PINIRMAHAN BAGONG PETSA NG BARMM POLLS

PINIRMAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nagtatakda ng bagong petsa ng unang regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14, 2026.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12317, isasagawa ang halalan sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026, habang ang mga susunod na eleksyon ay iaayon na sa national at local elections tuwing ikalawang Lunes ng Mayo simula 2031 at kada tatlong taon.

Ang mga unang halal na opisyal ay magsisilbi mula Oktubre 30, 2026 hanggang Hunyo 30, 2031.

Mananatili naman ang Bangsamoro Transition Authority bilang pansamantalang pamahalaan habang nasa transition period, maliban kung mapalitan o mahalal ang mga miyembro nito.

Inatasan ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng mga panuntunan para sa filing ng certificates of candidacy at iba pang requirements, kabilang ang bagong schedule ng filing period.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, posibleng tumaas ng hanggang 25 porsyento ang gastos sa halalan dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Planong simulan ang pag-imprenta ng mga balota mula Hunyo hanggang Hulyo 2026, habang gagamitin ang automated election system tulad ng sa 2025 elections.

Samantala, malugod na tinanggap ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang paglagda sa batas, at binigyang-diin na mahalaga ito upang matiyak ang maayos, mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa Bangsamoro.

Ayon kay OPAPRU Secretary Carlito G. Galvez Jr., ang hakbang ay nagpapatibay sa peace process at sa layunin ng inklusibong pamamahala sa rehiyon.

(CHRISTIAN DALE/JOCELYN DOMENDEN/JESSE RUIZ)

72

Related posts

Leave a Comment