NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino na paigtingin ang pagmamahal at paglilingkod sa Pilipinas kasabay ng pagdiriwang nitong Huwebes, Hunyo 12 sa ika-127 taong anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan.
Sa talumpati ng Pangulo sa Quirino Grandstand, Lungsod ng Maynila, sinabi nito na sa ngayon ay malayang naipapahayag ng bawat isa ang kanilang saloobin nang walang kinatatakutan, at malayang nagagawa ang naisin nang walang iniiwasan.
At dahil aniya sa Bagong Pilipinas, hindi kasalanan ang pagbibigay ng opinyon. At lalong hindi aniya mali ang kritisismo. Bagkus, ito aniya ang nagbibigay buhay at kinang sa demokrasya.
“Ngunit, ang kalayaan at ang demokrasya—tulad ng pag-ibig sa tinubuang lupa—kailangang inaalagaan, binabantayan, at ipinaglalaban.
Dahil ang totoong kalaban ng kalayaan ay ang pagiging manhid.
Manhid sa hinaing ng taumbayan.
Manhid sa kalagayan ng ating kapwa.
Manhid sa kapakanan ng ating bansa,” ayon sa Pangulo.
Pinayuhan din niya ang mga kagawad ng pamahalaan, mga tagapagmana ng kalayaan na huwag sayangin ang pagkakataon at tiwalang ipinagkaloob sa lahat.
At sa mga kasinungalingan aniyang walang hangganan—mga balitang walang katotohanan at maling impormasyon— ito aniya ang mga salot sa kalayaan.
(CHRISTIAN DALE)
