PBBM, VP SARA, IBA PA PINAGLALABAS DIN NG SALN

HINAMON ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte na isapubliko rin ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) kasunod ng panawagan ng publiko para sa transparency sa gitna ng malawakang anomalya sa flood control projects.

Ginawa ni Cendaña ang hamon matapos maglabas ng SALN sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na aniya ay magandang hakbang tungo sa pananagutan sa gobyerno.

“Kumasa na ang House leadership sa hamon ng Akbayan na isapubliko ang SALN.

Dapat sumunod na din ang Presidente, Bise Presidente, gabinete, Senado at iba pang Constitutional bodies,” ani Cendaña.

Bukod kina Marcos at Duterte, hinikayat din ng kongresista ang mga miyembro ng Gabinete at Constitutional bodies na kusang ilantad ang kanilang yaman upang mapanumbalik ang tiwala ng publiko.

Sa ngayon, sampu pa lamang sa 318 miyembro ng 20th Congress ang naglabas ng kanilang SALN, kabilang sina Reps. Chel Diokno, Dada Ismula, Arlene “Kaka” Bag-ao, Antonio Tinio, Renee Co, Sarah Elago, Eli San Fernando, Francisco “Kiko” Barzaga, at Dy.

“Malaking hakbang ito para hikayatin ang iba pang kongresista na maging bukas sa publiko. Kung talagang walang tinatago, bakit matatakot maglabas ng SALN?” dagdag ni Cendaña.

Una nang inihayag ni Speaker Dy na binuhay ng Kamara ang House SALN Review and Compliance Committee upang bumuo ng panuntunan para sa pagsasapubliko ng SALN ng mga kongresista — isang hakbang na ayon sa mga kritiko, matagal nang hinihintay ng taumbayan.

(BERNARD TAGUINOD)

65

Related posts

Leave a Comment