PCA, MULING NASERMUNAN

SINABON ni Senador Cynthia Villar ang mga opisyal ng Philippine Coconut Authority (PCA) dahil sa nakalilitong panukalang budget.

Sinabi ni Villar na dapat ayusin ng PCA ang kanilang proposed budget para sa 2022 at tiyaking walang duplication ng mga proyekto.

Sa pagdinig ng Senado sa budget ng PCA, ipinaalala ni Villar sa mga opisyal ng PCA na ang P613 million mula sa kanilang proposed budget na P1.097 billion ay dapat na tumugon at hindi maging duplikasyon ng mga proyekto sa ilalim ng coco levy funds.

Ang coco levy funds ay mula sa mga buwis sa coconut products mula pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na tinatayang nasa P100 billion hanggang P150 billion.
“PCA should complement the law from its regular program of planting and replanting…’Yun ang sinasabi ko, dapat tinignan niyo kung ano ‘yong nasa coco levy fund at ‘yong kulang do’n, ‘yon ang paggagamitan ng pera,” saad ni Villar.

“‘Yon ‘yong sinasabi ko, kung hindi nasama ‘yon sa coco levy (funds), ‘yon ang ilagay niyo ang budget niyo hindi ‘yong duplication sa coco levy. Tapos ‘yong sinasabi mo na hindi kayo binigyan ng budget sa project management ng coco levy, ‘yon, ilagay mo dyan,” diin pa nito.

Inatasan din ni Villar ang PCA na ipakita ang pagkakaiba ng mga programa nila sa Department of Trade and Industry.

“Pakita niyo sa akin, anong difference ng gagawin ng DTI at gagawin niyo, kasi overlapping ‘yan, so i-explain niyo sa akin ‘yan.  Tapos itong mga farm, i-explain niyo sa akin kung saan niyo ilulugar ‘yan, gusto ko makita saan ang lugar n’yan,” diin pa nito.

Pinuna rin ni Villar ang hindi pag-maximize ng PCA sa potensyal ng coconut products partikular ang pagproseso ng coconut husks sa iba pang produkto.

“Hindi lang naman ‘yon ang gagawin nila sa processing, alam mo no’ng pumunta ako sa abroad, ang pinaka-sikat na product do’n is coco water and coco sugar, nagpunta ako sa Germany, do’n sa world trade fair […] mabiling-mabili do’n ang coco water and coco sugar.  And nothing came from the Philippines,” paliwanag ng senador.

“Parang naawa ako sa sarili ko na tayo eh one of the biggest coconut producing country in the world, wala tayong coco water and coco sugar eh ‘yon ang click na click sa mundo eh.  Hindi naman ‘yang — waste coconut husk ‘yan eh,” dagdag nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

148

Related posts

Leave a Comment