TINULUYAN nang sinampahan ng kaso ng dating actor/model ang isang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at apat na kasamahan nito dahil sa kabiguan ng mga itong bayaran ang P2.9 milyong kontrata sa isang proyekto noon pang 2018.
Kamakalawa ay isinampa ng negosyante at dating actor/model na si Karl Ipong sa tanggapan ni Manila RTC Asst. City Prosecutor Gerald Co ang kasong estafa laban kay PCOO Asec. Ramon Cualoping III at sa mga kasamahan niyang sina Karl Louie Fajardo, Mary Joy Javines at Luz Cabrera at ang dating tauhan ni Cualoping sa PCOO na si Sharmaine Atienza.
Sa affidavit ng complainant na si Karl Ipong, lumagda sina Cualoping at Fajardo sa kontrata sa kanilang kumpanya para magpagawa ng T-shirt, polo shirt, jacket at sari-saring pang-give-away sa proyekto ni Cualoping na “Rehabinasyon” na ginanap sa Davao noong 2018.
Ang “Rehabinasyon” ay pinondohan ng PDEA at ang kontrata ay epektibo mula January 2018 hanggang March 2018. Minadali umano ni Cualoping ang pag-deliver ng commodities kahit walang tamang procurement sa PCOO dahil isusuot daw ang mga iyon nina Pangulong Duterte at Sen. Go. Inilagay sa Purchase Order na Cash On Delivery (COD) ang term, nag-deliver si Ipong sa takdang usapan, ngunit hindi umano nito alam na bawal sa gobyerno ang COD term.
“Kung hindi nila ipinilit na si Pres. Duterte at si SAP Bong Go ang magsusuot, hindi sana namin minadali ang delivery. Kasi noong una, gusto naming kumpleto sana ang dokumento. Pero sabi ni Sharmaine, kawawa ang boss n’ya (si Cualoping) kung hindi agad madi-deliver,” saad ni Ipong sa kanyang reklamo.
Para makatiyak ay kinausap daw ni Ipong sa telepono si Cualoping bago ang delivery at sinabihan siya nito na magtiwala sa PCOO dahil may pambayad naman sila.
“Actually, nabayaran naman kasi nila ‘yung first deal namin, kaya nagtiwala nga kami,” sabi pa ng dating aktor at model na kasabayan nina AJ Dee at Boy2 Quizon.
Gayunman, dahil wala namang ibinayad, pinag-abono si Ipong ng kanyang kumpanya at umutang siya ng P1.6 M mula sa apat na financial institutions. Makaraan ang apat na taon, umabot na sa P2.9 M ang utang ni Ipong sa taas ng interes.
Naospital ang biktima sanhi ng labis na hinanakit at may dokumento umano siyang hawak mula sa Metropolitan Hospital para patunayang dumanas ito ng severe anxiety attack.
339
