PINANINDIGAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang posisyon na hindi payagan ang tropa ng Pilipinas na makiisa sa anomang giyera kasama ang Estados Unidos sa ilalim ng kanyang liderato.
Pahayag ito ni Pangulong Duterte matapos nitong batikusin ang naging papel umano ng Estados Unidos sa pag-atras ng Philippine vessels mula sa Scarborough Shoal noong 2012 sa gitna ng standoff sa China.
“Please do not include my country… Sa panahon ko, there will never be a time that I will allow my soldiers to go somewhere to fight and join the Americans,” ayon kay Pangulong Duterte.
Ang bagong pahayag ni Pangulong Duterte laban sa Washington DC ay nang muli nitong bakbakan si dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs secretary Albert del Rosario dahil sa di umano’y partisipasyon ng Pilipinas sa desisyon na iatras ang mga barko mula sa Scarborough Shoal.
Noong April 29, inalala ni del Rosario na mayroong kasunduan na ‘binroker’ ang Estados Unidos noong 2012 para sa Pilipinas at China na iatras ang mga barko mula sa Scarborough Shoal para lutasin ang standoff sa nasabing lugar.
Subalit hindi tumupad dito ang China.
Inihayag pa ni Pangulong Duterte na ang nakalipas na administrasyon base na rin sa payo ng Estados Unidos ay ipinag-utos na iatras ang Philippine ships “without considering the possibility that China might “renege on its commitment to everybody” and “stay there and claim the West Philippine Sea as their property.” (CHRISTIAN DALE)
