NANANALIG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mapananatili pa rin ang epektibong flexible learning sa gitna ng pandemya at pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan ngayong Lunes.
Sa mensahe ng Chief Executive, umaasa ito na hindi mawawala ang pag-asa na kaya pa ring maisakatuparan ang epektibong pamamaraan para matuto ang mga mag- aaral kahit wala sa paaralan.
Para sa Pangulo, isang hamon ang panibagong set-up hindi lang para sa mga mag-aaral at guro kundi para na rin sa mga magulang ngayong distance learning ang pamamaraan para sa basic education program.
Subalit sa pamamagitan aniya ng pagtutulungan, kayang makamit ang target na mabigyan ng kaalaman ang mga estudyante kahit pa may kinakaharap na isyung pangkalusugan.
Kahit aniya may pandemya, hindi dapat na ipagkait sa mga estudyante ang karapatan nitong magtamo ng kaalaman at pinupuri niya rito ang DepEd na nagsikap at hindi nagpapigil sa mga hadlang na matuloy ang klase para sa school year 2020- 2021.
Kasabay nito, nagpahayag ang Malakanyang na tiwala itong kakayanin ng DepEd na matugunan ang problema sa sistema sa blended learning.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa perpekto ang sistema ngayon ng Deped dahil sa isyu ng flexible learning kagaya ng modular learning at broadcast at online classes.
“The system may not be perfect and there may be issues as we shift to flexible learning, which includes modular learning and supplemented by broadcast and online classes,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Ito ang dahilan kung kaya patuloy na nananawagan ang Malakanyang sa Kongreso na bilisan na ang pagpasa sa budget ng DepEd.
“In this connection, we ask Congress to expedite the passing of DepEd’s budget, which includes support to these new learning approaches,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, siniguro naman ng Malakanyang sa mga estudyante at mga magulang na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng pamamaraan para masiguro na maayos ang pagbubukas ng klase ngayong Oktubre 5, Lunes. (CHRISTIAN DALE)
