PUNTIRYA ng Pilipinas na tapusin ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa Disyembre ngayong taon upang maprotektahan ang mga ito sa malubhang COVID-19 infection.
Iniulat ng Department of Health na mayroong 1.2 milyong kabataan na may comorbidities na ang edad ay 12 hanggang 17 sa buong bansa.
Sinimulan ng Local Government Units sa National Capital Region ang pagbabakuna sa mga menor de edad na may comorbidities noong nakaraang linggo.
“Ang maganda po matapos natin ang kabataan by at least December para at least yung mga ibang susunod na sektor after health workers di maghalo-halo,” ang pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Aniya, makatutulong ito para makabawi sa nawalang oras ng mga kabataan na mahigit dalawang taon ding hinigpitan at pinagbawalang lumabas ng kanilang bahay.
Sa isang ulat, ayon sa psychologist, mayroong 300% hanggang 400% kabataan ang dumaranas ng depresyon.
Sa kabilang dako, nais din ng pamahalaan na bakunahan ang 90% ng mga guro, estudyante at personnel sa mga eskuwelahan bago matapos ang Nobyembre.
“Local government units, likewise, must ramp up their first dosage to 70% by the end of November 100 million vaccines,” ayon kay Galvez.
Samantala, sinabi pa ni Galvez na inaasahan ng pamahalaan na makakamit ang 100 milyong doses ng mga bakuna ngayong Oktubre dahil 3 milyong doses ang inaasahan na idedeliver ngayong linggo. (CHRISTIAN DALE)
