PEDICAB DRIVER NASAGIP SA TANGKANG SUICIDE

NASAGIP ng mga tauhan ng Manila Police District at ng Bureau of Fire Protection ang isang 43-anyos na pedicab driver na nagtangkang tumalon mula sa rooftop ng isang gusali sa Victoria St., Ermita, Manila noong Miyerkoles ng gabi.

Nauna rito, agad nagresponde ang mga tauhan ng MPD – Ermita Police Station 5, Special Weapon and Tactics (SWAT), Bureau of Fire Protection at District Intelligence Division (DID) sa nasabing lugar dahil sa ulat na tangkang pagpapakamatay ng isang lalaking si alyas “Jessie”, residente ng Intramuros, Manila.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Nelson Cortez, commander ng Ermita Police Station 5, sa pakikipag-ugnayan ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui, DID chief, bandang alas-6:00 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Ngunit sa maagap na pagtugon ng mga awtoridad ay nasagip ang biktima bago nakatalon mula sa rooftop ng isang gusali sa nabanggit na lugar.

Ang biktima ay nahaharap sa kasong alarm and scandal.

(RENE CRISOSTOMO)

31

Related posts

Leave a Comment