CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HABANG abala ang publiko sa pagsubaybay sa mga imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), heto naman si Health Secretary Ted Herbosa — tila bida sa sariling pelikula — paikot-ikot sa mga super health center, nagpapa-picture, nag-iinspeksyon, parang lahat maayos.
Pero sa likod ng mga pa-press release, nabubulok ang problema sa loob ng Department of Health (DOH). Usap-usapan ngayon ang mga kickback sa procurement ng mga gamot kontra tuberculosis, dengue, at iba pa. Hindi na bago ang “komisyon” sa gobyerno, oo, pero ang pamamahagi ng pekeng bakuna, ibang usapan na ‘yan. Buhay kasi ang maaaring maging kapalit dito.
Ang tinutukoy natin ay ang Purified Chick Embryo Cell Culture Rabies Vaccine, o mas kilala bilang Vaxirab N. na pineke na raw at ikinakalat pa.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), nagkalat sa merkado ang mga peke nitong bersyon. Kaya maging maingat dahil kahit may label at may packaging ay posible pa rin peke.
Ang masaklap, may mga lokal na pamahalaan na umano’y nakatanggap nito at naipamahagi pa.
Ayon sa FDA, nakamamatay ang mga pekeng bakunang ito.
Batay sa Republic Act 9711 (Food and Drugs Administration Act of 2009) at RA 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs), may mabigat na parusa ang sinomang sangkot sa pagpapakalat ng pekeng gamot. Pero kung mismong DOH ang pinagmulan ng bulilyaso, hindi na nakapagtataka kung bakit marami ang nananawagan na magbitiw na si Herbosa. ‘Yan naman ay kung mayroon pa siyang natitirang delicadeza.
Ngunit hindi sapat ang simpleng pagbibitiw. Dapat ay may managot sa batas. Sakaling aabot kay Herbosa, dapat siyang panagutin hindi lang bilang opisyal, kundi bilang pinunong nabigo sa tungkuling protektahan ang kalusugan ng mamamayan.
Sabi nga ni Dr. Tony Leachon, puro pabibo, kulang sa resulta.
Sa ilalim ni Herbosa, P11.5 bilyong halaga ng bakuna at gamot ang nag-expire at nabulok lang sa bodega.
Sa kanyang termino rin nahinto ang gamutan kontra tuberculosis dahil sa kakulangan ng supply.
At huwag kalimutan: siya rin ang chairman ng PhilHealth na lugmok at nawalan pa ng subsidiya.
Kailangan maimbestigahan din ang usaping ito sa ahensya at gisahin si Herbosa para malaman kung nasalisihan sila at namahagi ng pekeng bakuna.
Ang tunay na public servant, hindi nagpapa-picture sa harap ng health center kundi nagpapakita ng malasakit sa loob mismo ng kanyang ahensya.
63
