TARGET ni KA REX CAYANONG
SA bawat sulok ng bansa—mula sa pinakamatataas na bundok hanggang sa pinakamalalayong pulo—mayroong mga lingkod bayan na tahimik na gumaganap ng pinakamahalagang tungkulin sa pamahalaan.
Sila ang mga opisyal ng barangay, ang unang kinakapitan ng taumbayan sa oras ng pangangailangan, krisis, o kagipitan. Ngunit sa kabila ng bigat ng responsibilidad na pasan nila araw-araw, tila nananatiling kulang ang pagkilala at suporta na ibinibigay sa kanila ng ating lipunan at ng pambansang pamahalaan.
Kaya nararapat lamang purihin at suportahan ang mga mambabatas na tulad nina Abra Rep. JB Bernos at Cebu 4th District Rep. Sun Shimura, na nagpahayag ng buong pagsuporta sa itinutulak na Magna Carta for Barangays ni House Speaker Faustino Dy III.
Sinasabing sa panukalang ito, muling binibigyang-diin ang halaga ng mga barangay bilang pinaka-unang yugto ng gobyerno—isang institusyong pinakamalapit sa puso at pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Ang naturang Magna Carta ay hindi lamang simpleng batas, ito ay simbolo ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga kapitan, kagawad, tanod, at iba pang barangay workers na walang sawang naglilingkod, madalas ay sa kabila ng kakulangan sa pondo, pasilidad, at benepisyo.
Aba’y sa panahong dumaraan sa bagyo, baha, o pandemya, sila ang unang naroroon—nangunguna sa pagtulong, nagbabantay sa seguridad, at kumikilos kahit walang sapat na tulong mula sa itaas.
Ang panukala ni Speaker Dy ay nagsusulong ng mas maayos na kompensasyon, malinaw na benepisyo, at institusyonalisadong suporta sa barangay officials.
Higit pa rito, ito ay hakbang tungo sa pagpapantay ng dignidad ng mga lokal na opisyal sa iba pang antas ng pamahalaan. Kung ang mga guro, pulis, at kawani ng gobyerno ay may kani-kaniyang Magna Carta, bakit hindi rin ang barangay officials na itinuturing na “frontliners of governance”?
Tama lamang ang punto ni Rep. Bernos—bilang dating local chief executive, batid ni Speaker Dy ang bigat ng responsibilidad at sakripisyo sa pamumuno sa lokalidad. Ang kanyang karanasan sa pamahalaang lokal ay nagbibigay sa kanya ng malalim na pag-unawa sa tunay na pangangailangan ng mga barangay.
58
