PEKENG MALASAKIT SA KALIKASAN

KUNG kasaysayan ang pagbabatayan, mga katutubong Aeta ang mga unang Pilipino at ­ating mga ninuno. Nasa Pilipinas na sila bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop na nagpatupad ng sistemang enkomyendang ginamit ng mga Kastila sa pag-angkin ng malaking bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng sistemang enkomyenda, unti-unting itinaboy ang mga unang Pilipino, bagay na­ patuloy na nangyayari sa hanay ng mga Dumagat sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Rizal.

Ang siste, sila’y garapalang pinalalayas, tinatakot at ginigipit ng mga mapagsamantalang ang panakot ay mga kasapakat sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga kapwa peryodistang binulag ng maling akala.

Sila’y itinataboy ng mga pekeng environmentalist gamit ang isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ni dating Environment Sec. Gina Lopez.

Paano magiging angkop ang isang kasunduang sukdulang ibigay sa pamilyang nagpapatakbo ng Masungi Georeserve ang 2,700-ektaryang lupang sakop ng ancestral domain ng mga Dumagat.

Kung tutuusin walang masamang pangalagaan ang kalikasan. Subalit sa kaso ng mga Dumagat, malinaw na nais lamang ng mga negosyante sa likod ng Masungi Georeserve na sakupin ang lupaing katutubo sa hangaring magkaroon ng asyendang kasing laki ng lungsod ng Makati.

Pero teka sino nga ba ang nasa likod ng Masungi Georeserve? Sa pagsasaliksik, lumalabas na isang pamilyang kilala sa pagiging kontratista ang nagpapagalaw ng Masungi Georeserve. Katunayan, sila rin ang nasa likod ng 105-ektaryang tambakan ng basura sa loob mismo ng Marikina Watershed Area sa gawing hangganan ng Antipolo at San Mateo.

Giit ng Masungi, kailangang protektahan ang nasa 40,000 puno, 400 uri ng mga halaman at mga hayop na tanging sa kabundukan lamang matatagpuan.

Ano ba ang kayang gawin ng Masungi na hindi kayang gawin ng mga katutubo sa kanilang sariling tahanan? Kung tutuusin, hindi kayang tumbasan ng mga nagpapanggap ng environmentalist ang malasakit ng mga katutubo sa kabundukang naging tahanan nila sa mahabang panahon.

Malinaw na walang karapatan ang Masungi Georeserve sa tinatawag na ancestral domain na legal na pagmamay-ari ng mga katutubong naroon mismo sa kabundukan sa bisa ng Republic Act 8371 (Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997) na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga Dumagat sa kanilang lupang tinubuan.

Ang mga Dumagat din ang itinalagang tagapangalaga ng kalikasan batay sa RA 11038 ­(National Integrated Protected ­Areas System), bukod pa sa Presidential Decree 324 na nagsasabing hindi bahagi ng Marikina Watershed Area ang mga katutubong lupain ng mga Dumagat.

Sa puntong ito, ano nga ba ang mas mananaig – ang MOA na ipinagmamalaki ng Masungi Georeserve na pinapatakbo ng mga mapagsamantalang ­kapitalista o ang batas na para sa lahat?
(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

284

Related posts

Leave a Comment