PEKENG PAMPAGANDA KUMPISKADO SA RAID

SA pakikipagtulungan ng iba pang ahensya ng gobyerno, kumpiskado sa isinagawang pagsalakay ng mga elemento ng Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BOC) sa isang bodega sa Valenzuela City ang sandamakmak na pekeng cosmetic products, bitamina at food supplements.

Bukod sa hindi rehistrado sa Food and Drugs Administration (FDA) na siyang may mandatong mangasiwa sa mga produktong may kinalaman sa kalusugan, pinaniniwalaan ding ipinuslit lang sa bansa ang mga nasabing cosmetic products, multivitamins at food supplements na inabutan ng mga operatiba sa bodega sa panulukan ng Malakas at Santiago Street sa nasabi ring lungsod.

Gayunpaman, hindi pa mabatid ang dami o halaga ng mga nakumpiskang pekeng produkto. Maging ang pinagmulang bansa, inaalam pa ng kawanihan.

Ayon sa BOC, malaking bentahe sa naging resulta ng nasabing operasyon ang impormasyong nakalap ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsanib pwersa para matunton ang ­kinaroroonan ng mga produktong pinangangambahang magdulot ng peligro sa merkado.

Ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro, agad na dinala ang mga nakumpiska sa pasilidad ng kawanihan para sa imbentaryo.

Kasong paglabag naman sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang nakatakdang isampa sa may-ari ng mga nasabing kargamento at maging sa may-ari ng bodega kung saan inilagak ang mga ipinuslit ng pekeng produkto.

“We’re already in the middle of the pandemic and our economy and people are suffering. I think the Bureau has one of the biggest roles in helping protect the economy. When we stop these illegal goods from entering the market, we are ensuring the protection of our local businesses, especially those who are already struggling because of COVID,” galit na pahayag ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

163

Related posts

Leave a Comment