AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MAHIGIT 20,000 katao ang dumagsa sa Quezon Memorial Circle para sa People Power 40 Kick-Off Concert na nagsilbing makulay na panimula sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa pagtaya ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, lumobo sa higit 20,000 ang dumalo sa event na inorganisa ni Mayor Joy Belmonte at ng Mayors for Good Governance, kasama si Senador Bam Aquino at ang Kaya Natin! Movement.
Sa temang “Awit at Aksyon Kontra Korapsyon,” tampok ang pagtatanghal ng mga mang-aawit, rock bands, rappers, comedians at dance groups na nagbuklod sa iba’t ibang henerasyon.
Binuksan ng acoustic icon na si Ice Seguerra ang programa sa pag-awit ng “Bayan Ko,” na sinabayan ng light show sa pylon ng Quezon Memorial Circle.
Kasabay nito, nagbigay-pugay sina Elmo Magalona at Arkin Magalona sa alaala ng kanilang amang si Francis Magalona sa pamamagitan ng hit songs nito.
Pinasaya naman nina Alex Calleja at Red Ollero ang crowd, habang pinakilig nina Ebe Dancel, Amiel Sol at Earl Agustin ang mga manonood.
Nag-perform din sina Nica del Rosario at Pio Balbuena, pati ang hip-hop group na Morobeats na tumuligsa sa korupsyon at sa pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Pinagliyab ng Rivermaya ang entablado kasama ang Quezon City Symphonic Band bago tinapos ang gabi sa fireworks display—simbolo ng pagkakaisa at pag-asa.
Ayon sa mga dumalo, nagsilbi ang konsiyerto bilang bagong paraan ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa EDSA na pinagsamang alaala at panawagan para sa pananagutan ng mga tiwaling opisyal.
Sa Feb. 25, sa araw mismo ng People Power Revolution anniversary, inaasahan ang malawakang kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa bansa na ang magiging tema ay ang korupsyon na nangyayari ngayon sa ilalim ng BBM administration.
Matatandaan, pinababa si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa pamamagitan People Power revolution na ang isyu ay ang korupsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ngayon ay tila mauulit ang kasaysayan partikular ang usapin sa korupsyon sa pamamagitan ng nakababatang Marcos na si Bongbong, na nagbunsod ng pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa kasalukuyang administrasyon.
oOo
Binabati natin ang bagong pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pangunguna ni Atty. Melvin Matibag, na pumalit kay dating NBI Director Atty. Angelito “Lito” Magno.
Nagkaroon ng pormal turnover ceremony sa opisina ng NBI sa Pasay City, mula kay Atty. Lito Magno patungo kay Atty. Melvin Matibag.
Ang seremonya ay dinaluhan ng directorial staff, division chiefs, agents, at personnel.
Kasabay nito, pinasalamatan naman ni Atty. Magno ang mga kababaihan at kalalakihan ng Bureau sa kanilang pagiging mga propesyunal sa trabaho.
Naniniwala si Atty. Magno na sa pamamagitan ng kanyang kapalit na si Atty. Matibag ay magkakaroon ng “strong management, expertise, strategic direction, and organizational discipline” na magpapalakas sa “Bureau’s operational efficiency and institutional systems.”
Narito naman ang sinabi ni Atty. Matibag, “The NBI must continue to stand as a pillar of justice and accountability. Our duty is to serve the Filipino people with integrity, competence, and courage.”
-oOo-
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell#0917-861-0106.
4
