DALAWANG linggo bago pa sumapit ang pinananabikang pagbabalik-eskwela, nananatiling palaisipan pa rin ang kahandaan ng mga paaralan sa pagbubukas ng school year 2022-2023 sa kabila pa ng puspusang paghahanda ng Department of Education (DepEd).
Para kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, hindi kainaman ang tunay na sitwasyon sa mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa. Aniya, sira-sirang upuan para sa mga mag-aaral at mesa ng guro ang daratnan sa 11,468 classrooms.
Ayon kay Villafuerte, nabigo ang dating Kalihim ng naturang departamento na ipakumpuni ang mga sirang silya at mesa gamit ang P9.5-bilyong inilaan ng Kongreso para sa pagkukumpuni ng mga nasirang “furnitures” at pagbili ng mga karagdagang upuan at mesa sa loob ng mga natukoy na silid-aralan, batay sa inilabas na report ng Commission on Audit (COA) kamakailan.
Ani Villafuerte, taong 2020 pa nang ipasok ng Kongreso ang P9.5 bilyong pondo para sa “Basic Education Facilities Fund” na bahagi ng 2021 national budget.
Sa ulat ng COA, lumalabas na P1.984 bilyon na lang ang natitira sa naturang budget pero nasa 2,689 classrooms (katumbas ng 23.45%) pa lang nagawang ihanda ng kagawaran sa pagbabalik-eskwela sa Agosto 22.
Maging sa kanyang kinakatawang lalawigan, gayon din aniya ang problema. Katunayan aniya, walang natanggap na pondo para sa pagkukumpuni ng 1,405 classrooms ng 296 paaralan sa 35 lokalidad na sakop ng Camarines Sur sa kabila pa ng nakalaang P451.66 milyon sa kanila.
Bunsod nito, pinagpapaliwanag ng kongresista ang mga opisyal ng DepEd kung saan napunta at paano ginastos ang aniya’y nawawalang pera.
“It was apparently a matter of low absorptive capacity and not a funding issue given that nearly 80% of the repair budget had been obligated to the DepEd last year,” ani Villafuerte kasabay ng pagtukoy sa aniya’y kapabayaan ni former Education Secretary Leonor Briones.
Gayunpaman, umaasa naman ang mambabatas na mabibigyang atensyon ng bagong DepEd Secretary ang naturang isyu.
“Considering her solid record as a down-to-earth local chief executive when she was mayor of Davao City, I am sure Vice President and Secretary Inday Sara (Duterte) will not let this setback slide.” (BERNARD TAGUINOD)
