PETISYON SA SC NA ANTI-PUVMP PINABABASURA

HINDI nagpatumpik pang nagpasaklolo sa Korte Suprema ang tatlong grupo na “hari ng kalsada” patungkol sa kontrobersyal na jeepney modernization program.

Ito ay matapos maghain ng petition for intervention sa Kataas-taasang Hukuman ang tatlong grupong pabor sa modernisasyon ng pampublikong sasakyan kasabay ng layuning makasali sa gagawing paglutas sa isinusulong na programa ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nagsampa ng petition for intervention sina Roberto “Ka Obet” Martin ng Pasang Masda, Boy Vargas ng Altodap, at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas President Ka Lando Marquez.

Partikular na hiniling ng mga petitioner sa Kataas-taasang Hukuman na tanggapin ang kanilang petisyon at ang kaakibat na mga dokumento na magpapatibay sa kanilang mga argumento.

Ayon sa grupo, nais nilang mabago ang sistema ng pampublikong sasakyan partikular ang jeepney dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas.

Ayon kay Ka Obet Martin, 80 percent na ng kanilang mga kasapi sa buong bansa ay pumapabor sa jeepney modernization at pagsapi sa mga jeepney cooperative.

Paliwanag pa ni Ka Obet, hindi dapat katigan ng Korte Suprema ang petisyon ng grupong PISTON at MANIBELA lalo na’t matagal nang umuusad o noon pang Hunyo 17, 2017 nagsimula ang naturang programa ng gobyerno.

Sa ilalim aniya ng modernization program, sasapi sa kooperatiba ang mga jeepney operator at ang kooperatiba na lamang ang magha-hire ng mga tsuper na tatanggap ng arawang sweldo kaakibat ang mga benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth at Insurance.

(JULIET PACOT)

173

Related posts

Leave a Comment