BUMUO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang inter-agency organizing committee na mangangasiwa sa preparasyon ng partisipasyon ng Pilipinas sa Green Expo 2027 sa Yokohama, Japan.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 41 na inilabas noong Pebrero 4, itinalaga ang Department of Agriculture bilang chairperson at Department of Tourism bilang vice chairperson ng Philippine Organizing Committee.
Kabilang sa mga miyembro ng komite ang Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology, National Commission for Culture and the Arts, at Center for International Trade Expositions and Missions.
Inatasan ang komite na magsagawa ng regular na pagpupulong upang matiyak ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya para sa matagumpay na partisipasyon ng bansa sa international exposition.
Ayon sa kautusan, ang partisipasyon ng Pilipinas sa Expo ay nakahanay sa Philippine Development Plan 2023–2028, partikular sa pagsusulong ng sustainable at competitive agriculture, pati na ang pagpapaunlad ng siyensiya, teknolohiya, at inobasyon.
Gaganapin ang Green Expo 2027 mula Marso hanggang Setyembre sa Yokohama, Japan, na may temang “Scenery of the Future for Happiness.” Layunin nitong ipakita ang biodiversity, sustainable agricultural practices, green technologies, eco-tourism, at cultural heritage ng mga bansang kalahok.
(CHRISTIAN DALE)
4
