NAIWASAN ng barkong pandigma ng Philippine Navy ang posibleng banggaan sa isang warship ng China People’s Liberation Army (PLA) Navy malapit sa Pag-asa Island noong Marso 25, 2026.
Sa ulat ng Western Command (WESCOM) ng Armed Forces of the Philippines, nakasalubong ng BRP Benguet ang Chinese missile frigate habang nagsasagawa ng lehitimong operasyon.
Ayon sa WESCOM, nagsagawa ang Chinese vessel ng mapanganib at hindi propesyonal na maniobra matapos itong lumapit at dumaan sa napakalapit na distansya.
Tinukoy ng militar na paglabag ito sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGs).
Nanawagan ang WESCOM sa PLA Navy na sumunod sa international rules upang maiwasan ang insidente sa karagatan.
Matatagpuan ang Pag-asa Island, bahagi ng Kalayaan Island Group, humigit-kumulang 277 kilometro mula sa mainland Palawan at sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, bihira ang ganitong uri ng engkwentro ng mga warship kaya itinuturing itong nakababahala.
Batay sa ulat, lumapit ang Chinese frigate sa loob ng 5 hanggang 8 metro mula sa BRP Benguet at nagsagawa ng tinatawag na “nudging” o pangha-harass.
Pinuri ng Philippine Navy ang propesyonalismo ng crew ng BRP Benguet na gumamit ng communication protocols at umiwas sa insidente. Wala namang naiulat na pinsala o nasugatan.
Ayon sa AFP, nagpapakita ang insidente ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea at patuloy na agresibong aksyon ng China sa lugar.
(JESSE RUIZ)
124 