PH-SOKOR PATATATAGIN ALYANSA SA DEPENSA, KALAKALAN, SEGURIDAD

KAPWA nangako sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at South Korean President Lee Jae-myung na lalo pang palalakasin ang ugnayan ng Pilipinas at South Korea, kasabay ng kanilang bilateral meeting sa sidelines ng APEC Economic Leaders’ Meeting.

Pinagtibay ng dalawang lider ang matagal nang historical ties at nagkasundo na palalimin ang kooperasyon sa defense, trade, at regional security.

Sa kanilang pag-uusap, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Lee sa Pilipinas dahil sa sakripisyo ng mga sundalong Pilipino na lumahok sa Korean War, na aniya’y “hindi kailanman malilimutan ng sambayanang Koreano.”

“When we were in a national crisis, the Philippines sent its military to aid us. The people of Korea will never forget the contributions and sacrifices made by the Philippines,” ani Lee sa pamamagitan ng translator.

Bilang pagkilala, bibisita si Marcos Jr. sa UN Memorial Cemetery sa Linggo upang mag-alay ng pugay sa mga sundalong Pilipinong nasawi sa digmaan sa Korea.

Nagpasalamat naman si Marcos kay Lee at binigyang-diin ang matibay na strategic partnership ng dalawang bansa, mula noon hanggang sa kasalukuyan.

“From fighting side-by-side during the war to providing assistance in times of calamities and protecting the rights and welfare of our nationals — we have reached several milestones,” wika ni Marcos.

Isa aniya sa mga ito ang Bilateral Free Trade Agreement at pinalakas na defense cooperation sa pagitan ng Maynila at Seoul.

Dagdag pa ng Pangulo, inaasahan niyang sa pagka-chair ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa 2026, ay mas mapapalakas pa ang rules-based Indo-Pacific na nakabatay sa kapayapaan at kaunlaran.

“Next year, the Philippines will chair the ASEAN summits, and I see a real opportunity for us to promote a rules-based order, a more secure and more prosperous region,” ani Marcos, sabay imbitang kay Lee na bumisita sa Pilipinas.

Malugod namang tinanggap ni Lee ang imbitasyon at sinabing bukas siyang bumisita sa bansa sa malapit na hinaharap.

(CHRISTIAN DALE)

64

Related posts

Leave a Comment