(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
KINONDENA ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at ng ilang senador ang panghaharang ng tatlong Chinese Coast Guard vessels at pambobomba pa ng water cannon sa dalawang Filipino supply boats patungong Ayungin Shoal.
Ang insidente ay nangyari nitong Martes, November 16 habang patungo ang supply boats sa Ayungin Shoal upang magdala ng pagkain sa Philippine military personnel.
Bagama’t walang nasaktan sa insidente, napilitang i-abort ang resupply mission.
“I have conveyed in the strongest terms to H.E. Huang Xilian, Ambassador of China and the Ministry of Foreign Affairs in Beijing our outrage, condemnation, and protest of the incident,” saad ni Locsin.
Ipinaalala pa ni Locsin sa Chinese government na ang public vessel ay saklaw ng Philippines-United States Mutual Defense Treaty.
Nanindigan ang kalihim na iligal ang aksyon na ito ng China at wala itong law enforcement rights sa lugar kasabay ng babala na ang mga ganitong aksyon ay posibleng maglagay sa alanganin sa relasyon ng Pilipinas at China.
“They must take heed and back off,” giit ni Locsin.
Nanindigan naman sina Senador Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Richard Gordon na hindi dapat pumayag ang bansa na bastusin ang mga sundalong Pilipino.
“Kinokondena natin ang pagharang at pag-water-cannon sa ating mga sundalong Pilipino na naghahatid lang ng supply sa mga kasama nila sa Ayungin. Hindi tayo payag na sakupin ang mga isla natin, o bastusin ang mga sundalo natin,” pahayag ni Pangilinan.
Iginiit naman ni Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang paglabag na ito sa sovereign rights at jurisdiction ng bansa.
“Matagal na akong galit sa lantarang pagbastos ng Tsina sa ating karapatan at karagatan. I share Sec. Locsin’s outrage and I support his move to protest this incessant bullying to H.E. Huang Xilian, the Ambassador of China, and to the Ministry of Foreign Affairs in Beijing. It is only right that China and her representatives know that we will not keep mum,” diin ni Hontiveros.
“Alam natin na nasa tama tayo. Atin ang West Philippine Sea, at kailanman, walang karapatan ang Tsina na mag-astang may-ari.
Pinanawagan ko rin sa Malacanang na mariing ikondena ang pangyayaring ito. Let us show our military personnel, the very same people who risk their lives for our country, that we will always defend them,” dagdag nito.
Nananawagan naman si Gordon sa Malakanyang na pangunahan ang pagbibigay proteksyon sa mga sundalo ng bansa at sa mamamayan sa kabuuan.
“The Ayungin Shoal remains part of the Philippines in its Kalayaan Island Group, as well as its exclusive economic zone and continental shelf, which the Constitution explicitly states that we have sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over it,” paalala ni Gordon. (DANG SAMSON-GARCIA)
Posisyon ng
mga kandidato
Kaugnay ng nasabing pangyayari, nais ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na ilatag ng mga kandidato sa Eleksyon 2022 ang kanilang pagtindig sa usapin sa West Philippines Sea (WPS) lalo na’t lalo aniyang nagiging agresibo ang China na masakop ang nasabing teritoryo.
Ayon kay House deputy minority leader Carlos Zarate, kailangang ilatag ng mga kandidato lalo na ang mga presidential candidate ang kanilang posisyon sa WPS dahil kung gagayahin ng mga ito si Pangulong Rodrigo Duterte ay “WPS is as good as sold to China”.
“Unless Pres. Duterte breaks his silence and denounces what China is doing, the diplomatic protests filed by the Department of Foreign Affairs (DFA) will just continuously fall on China’s deaf ears,” dagdag pa ng mambabatas.
Lumaylay aniya ang depensa ng Pilipinas sa WPS dahil sa “pivot to China” ni Duterte at lagi nitong sinasabi na ayaw niyang isakripisyo ang buhay ng mga sundalo dahil walang laban ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa People’s Liberation Army (PLA).
Gayunpaman, marami aniyang paraan para idepensa ni Duterte ang WPS na hindi na kailangang makipag-giyera tulad ng pagpapatupad sa Permanent Tribunal ruling in 2016 na pabor sa Pilipinas.
Ipagtatanggol
Samantala, siniguro ng Palasyo na patuloy na ipagtatanggol ng administrasyong Duterte ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas.
“As we have in the past, we will continue to assert our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over our territory,” ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Pinuri naman ni Nograles ang agarang pagkilos ng DFA sa Ayungin Shoal incident.
“The Department of Foreign Affairs has acted swiftly and has condemned the incident involving the Chinese Coast Guard,” ani Nograles. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
176 