PHIL. NAVY TINANGAYAN NG MGA BARIL NG CHINA COAST GUARD

PINABULAANAN kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner na dinis-armahan ng China Coast Guard ang mga sundalo ng Philippine Navy matapos na sampahan ng mga Intsik ang kanilang sinasakyang Rigid-Hulled Inflatable Boat (RHIB) sa kasagsagan ng isinasagawang rotation and reprovisioning (RORE) mission sa Ayungin Shoal.

Subalit kinumpirma ng AFP na may mga military rifle ang natangay sa kanilang hanay subalit nakalagay ang mga iyon sa kanilang gun cases dahil mahigpit ang tagubilin na huwag magdi-display ng baril sa pagsasagawa ng RoRe mission kaya mga naka-dis-assemble ang mga ito.

“For me this is piracy… piracy because they boarded our vessel illegally. Parang mga pirata, para silang mga pirate,” ani General Brawner, sa pulong balitaan kahapon sa Palawan, matapos niyang dalawin ang sugatang mga sundalo.

“They hijacked our operation and destroyed our vessel,” ani Gen. Brawner

“They got some (guns),” pagkumpirma ni Rear Admiral Alfonso Torres, ang bagong AFP WesCom commander, sa media kasunod ng mga tanong na pagdis-arma umano sa navy personnel.

Sinasabing matapos na maipit ng ilang Chinese RHIB ang navy vessel ay sumampa ang mga Chinese Coast Guard na armado ng itak, sibat at machete, sa Navy RHIB kaya may nasaktang mga sundalong Pinoy na nanlaban para hindi makasampa ang mga CCG.

Sinasabing ang mga sandatang hawak ng CCG ang ginamit para sirain ang mga kagamitan sa loob at pinambutas sa inflatable rigid hull ng Navy matapos itong maipit ng nakapaligid na mga Chinese RHIB.

Samantala, pinapurihan at pinagkalooban ni Brawner ng “Wounded Personnel” medal si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng daliri dahil sa isinagawang highspeed ramming ng CCG sa navy vessel ng Pilipinas, nang personal na bisitahin ng heneral ang sundalo sa pagamutan.

“Magpagaling ka, huwag ka mawalan ng pag-asa, nandito kami. Kung may mga kailangan ka, sabihan mo lang kami,” ani Brawner kay Facundo.

Ayon kay Gen. Brawner, nanatiling mataas ang moral ng mga sundalo at handa silang muli na magsagawa ng panibagong Rore mission sa likod ng ‘severe injury’ na dinanas ng kanilang kasamahan matapos ang intentional high-speed ramming ng Chinese Coast Guard.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang nasabing injured personnel ay ligtas na. Sinabi pa nito na ang patuloy na aggressive behavior ng China at ang pagharang sa ating humanitarian mission ay hindi katanggap-tanggap.

Dapat na aniyang tigilan ng China ang ganitong hakbang upang maiwasang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod nito, nananatili aniyang committed ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa WPS alinsunod sa international law.

Ilang military analyst na nakapanayam ng media mula sa Defense Press Corps, ang nagsabing posibleng inuunti-unti rin ng China ang kanilang agresibong pagkilos at pagpapaigting ng tensyon sa West Philippine Sea para subukan ang magiging aksyon ng gobyerno at mga kaalyadong bansa lalo na ang United States na may umiiral na Mutual Defense Treaty .

Posible umanong litmus test din ito dahil kung kaya raw ng China na gawin ito sa isang fast attack craft ng navy, ibig sabihin baka pwede rin nila itong gawin ngayon sa pinagtatalunang BRP Sierra Madre.

Ipinalalagay na isa sa pinakamalaking crisis ito na hinaharap ng administrasyong Marcos sa kasalukuyan. (JESSE KABEL RUIZ)

206

Related posts

Leave a Comment