NAALARMA si Senate Minority Leader Franklin Drilon na mawawalan ng P8.3 bilyong pondo ang mamamayan sanhi ng overpricing sa pagbili ng COVID-19 test kits na binabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na nakatakdang ipatawag ng Senado ang mga opisyal ng PhilHealth kung bakit sobrang mahal ng COVID-19 test kits na kanilang binabayaran sa pagsusuri ng mga pasyente.
“I am alarmed by a potential overpricing of PhilHealth’s testing packages and the overpricing potential loss may reach over P8.3 billion. Malaking dagok po ito sa atin kapag nangyari,” ayon kay Drilon sa interview ng Teleradyo nitong Miyerkoles.
Nauna nang kinuwestiyon ni Drilon si Health Secretary Francisco Duque III sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole nitong Martes hinggil sa overpriced COVID-19 test packages na binabayaran ng PhilHealth sa mga ospital and testing center.
Planong magsuri ang pamahalaan ng dalawang milyong Filipino para sa COVID-19 na kumakatawan lamang sa 2 porsiyento ng kabuuang populasyon sa mga susunod na araw.
Iginiit ng lider ng minorya na mahalaga ang mass testing upang makontrol ang paglaganap ng virus.
“Without testing, we will have a continuous lockdown because we are blinded. We do not know who are contaminated and if we do not know who are contaminated, we cannot track them, and if we cannot track them, we cannot treat them,” ayon kay Drilon.
Ngunit, sinabi ni Drilon na masyadong “unrealistic at overinflated” ang halaga ng COVID-19 test kits ng PhiliHealth.
Kung susuriin ang dalawang milyong Filipino, sinabi ni Drilon na nakatakdang magbayad ang PhilHealth ng halagang P16.3 bilyon, kaya magkakaroon ng potensiyal na overpricing sa halagang P8.3 bilyon.
Todo depensa naman si Duque sa pagsasabing nagbabago-bago ang presyo kung ang makita at test kits ay donasyon o binili ng mga ospital. ESTONG REYES
