BLIND Item muna tayo…
Hindi nairekord ng mga empleyado ng isa sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19 dahil sa isang mambabatas na nagbitbit pa ng anak na wala namang sakit.
Sa report na nakarating sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent, kasama ang mga empleyado at opisyales ng isa sa dalawang kapulungan ng kongreso ang unang nabakunahan gamit ang Sputnik V na mula sa Russia na pasok sa A1-A2 at A3 priorities.
Dahil dito ihinanda na ng mga empleyado ang kanilang mga cellphone para irekord ang pagtuturok sa kanila at mailagay sa kanilang social media accounts tulad ng Facebook.
Gayunpaman, labis ang pagkadismaya ng mga empleyado nang pagdating nila sa vaccination center ay sinabihan sila ng bawal kumuha ng mga picture sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.
Maging ang mga photographer ng iba’t ibang media group na naka-assign sa kapulungan ay pinagbawalang kumuha ng mga larawan at pinagbawalan din silang pumasok sa vaccination centers.
Hindi ito nauunawaan ng mga empleyado noong una dahil wala namang kautusan ang Inter-agency task force (IATF) na ipagbawal ang pagkuha ng mga larawan sa mga vaccination center.
Saka lang napagtanto ng mga empleyado ng Kapulungan na kaya pala bawal ang pagkuha ng mga larawan sa vaccination center ay dahil maraming Very Important People (VIP) ang nakikiagaw sa limitadong bakuna para sa mga empleyado.
Halimbawa na rito ang isang miyembro ng Kapulungan o mambabatas na kilala rin sa tawag na solon na tila ayaw magkaroon ng ebidensya na kasama nito ang kanyang pamilya sa pagbabakuna.
Kasama raw kasi ng mambabatas ang kanyang misis at anak sa pagbabakuna kahit limitado lang ang bakunang ibinigay ng IATF sa kapulungan at kulang na kulang sa mga empleyado pa lamang.
Wala naman daw sanang problema kung kasama ng mambabatas ang kanyang misis na nakiagaw sa limitadong bakuna pero nagtaasan ng kilay ang mga empleyado dahil kahit ang anak ng mambabatas ay isinama nito.
Kapwa senior citizens na kasi ang mambabatas at kanyang misis na kasama sa second priority sa babakunahan kaya wala umanong problema sana sa mga empleyado.
Pero nang isama ng mambabatas ang kanyang anak na tinatayang 25 hanggang 30 anyos lang ang edad at walang indikasyon na may sakit ito, ay nagtaasan na ang kilay ng mga empleyado.
Inuna kasi ang mga medical staff ng Kapulungan, kasunod ang mga senior citizens at mga may sakit base sa patakaran ng IATF kaya hindi pasok ang anak ng mambabatas sa A priority pero naisingit daw.
Clue: Ang mambabatas ay puwedeng senador at congressman at sikat din ang kanyang misis at malapit nang mamaalam sa Kapulungan dahil tapos na ang kanyang termino. Mayroon siyang inisyal na…huwag na. Nakakamis ang kalsada sa Maynila na tambayan namin noong estudyante pa kami ah.
216
