POSITIBO si Senate committee on health chairman Senator Christopher “Bong” Go na maaayos ang vaccine rollout ng pamahalaan bagama’t totoong mayroong kakulangan sa suplay sanhi ng global demand.
Sa pahayag, sinabi ni Go na ang mahalaga ay tuloy-tuloy ang pagdating ng bakuna tulad ng 1.5-million doses ng Sinovac mula sa China at 2,030,000 doses ng AstraZeneca vaccine na gagamitin para sa second dose ng mga frontliner.
Iginiit ni Go na mahalagang hindi matigil ang pagbabakuna habang pinag-aaralan ng gobyerno ang pag-shift mula sa MECQ patungong general community quarantine bagamat mahirap aniya hangga’t hindi pa nakakamit ang target na bilang ng mga nababakunahan.
Nilinaw naman ni Go na mas mahalaga pa rin sa kanya na unahin ang buhay ng mamamayan bagamat mahalaga rin aniya na walang magutom na Pilipinas kasabay ng mga panawagan na pagluluwag sa ekonomiya.
Aminado si Go na napakahirap ng sitwasyon pero patuloy ang pagsisikap nila ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamahalaan nito para malampasan ang COVID-19 pandemic.
Samantala, hiniling naman ni Go na mabigyan ng libreng face masks ang mga mahuhuling lalabag sa pagsusuot nito.
Nilinaw ni Go na ayaw naman talaga ni Pangulong Duterte na ipakulong ang mga lumalabag sa minimum health protocols at sa halip ay gusto lang niyang disiplinahin at turuan ng leksyon ang mga pasaway na naglalakad sa kalsada nang hindi nagsusuot ng face mask.
Sinabi ni Go na hindi natin malalaman kung sino sa naglalakad sa kalsada ang asymptomatic na posibleng nagdudulot ng paghawa sa labas.
Giit ni Go, marami ang mga talagang pasaway dahil hindi nila alam na delikado ang COVID-19.
Ayon kay Go, kinausap niya si Pangulong Rodrigo Duterte at naaawa naman sila sa mga posibleng mahuli kaya sa halip, bigyan na lang ng mask ang mga madadala sa presinto at bigyan ng lecture.
Kinumpirma ni Go na kinausap na rin niya si PNP Chief General Guillermo Eleazar at maging si DTI Secretary Mon Lopez kung saan nagkasundo sila na kapag nahuling lumalabag sa hindi pagsusuot ng face mask ang isang tao ay dalhin ito sa presinto para turuan ng leksyon at bigyan ng face mask dahil posibleng wala lang pambili ang mga ito. (ESTONG REYES)
