Pinabubusisi ng Senado PALIT PANGALAN NG MGA BULILYASONG IMPORTERS

MAKARAANG ibunyag kama­kailan ng Bureau of Customs (BOC) ang modus ng mga importer sa likod ng agricultural smuggling sa bansa, nanawagan naman ang Senado para sa mas malalim na imbestigasyon kasabay ng pagtukoy ng iba pang mga kumpanyang di umano’y nasa likod ng patuloy na pagpupuslit ng mga gulay mula sa bansang Tsina.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng usaping agricultural smuggling, hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang BOC para sa malalimang imbestigasyon sa mga kumpanyang paulit-ulit lang nabubulilyaso subalit nagagawa pa ring magpuslit ng mga produktong agraryo mula sa Tsina, gamit ang bagong pangalan ng kanilang kumpanya.

Sa tala ni Hontiveros, halos kalahati ng mga nasabat na gulay ay natunton sa apat na kumpanya lamang, batay sa mga dokumentong nakalap ng kanyang tanggapan.

“Kapansin-pansin ang Zhen-­pin, Thousand Sunny Enterprise, Dua Te Mira, at Gingarnion Agri Trading. These companies were involved in at least P400M worth of smuggled vegetables. Ibig sabihin, halos kalahati ng P800M reported apprehensions ng BOC, ay involved itong apat na ito,” saad ni Hontiveros.

Batay sa dokumento, ang apat na kumpanya ay sangkot sa malalaking kontrabandong inilapag at nasabat sa Port of Subic.

Aniya, paulit-ulit nang sumablay ang Thousand Sunny at Dua Te Mira para sa misdeclaration ng kanilang kargamento, habang ang Gingarnion naman ayon sa senador ay pasok sa pagpupuslit ng sibuyas, carrots, at broccoli.

Hiniling din ni Hontiveros sa BOC na alisin na sa Joint Administrative Order (JAO) 20-01 ang mga paulit ulit na violators na aniya’y dapat din kasuhan ng economic sabotage bukod pa sa kanselasyon ng lisensya sa pagnenegosyo.

“Smuggling threatens our economic recovery. Dapat may makulong sa mga ganitong kaso na ang nabibiktima ay higit sa lahat mga magsasaka, at ang buong agricultural sector. Damay rin maging mga local government units na madedehado sa dapat ay mataas na IRA galing sa BOC collections na mailalaan sana para sa mga kababayan natin. This is not a victimless crime. Hindi dapat ito pinapalampas,” dagdag pa nito.

Nito lamang nakaraang buwan, ibinunyag ng BOC ang diskarteng pilipit ng ilang mga importers sa likod ng pagpupuslit ng gulay mula sa bansang Tsina.

Ayon mismo sa BOC Intelligence Group, kadalasang estilo ng mga importer ang pagpapalit ng pangalan ng kumpanya sa hangaring makaiwas sa posibilidad na mapabilang sa mga blacklist ng nasabing ahensya.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang pagkakasabay sa dalawang kargamentong nagla­laman ng P66 milyong halaga ng ipinuslit na agricultural products na nakapangalan sa dalawang kumpanya – JKJ International Corporation at EMV Consumer Goods Trading – sa Port of Subic kamakailan.

Bago pa man mabulilyaso sa Port of Subic, nasabat din nito lamang Nobyembre 13 ang limang kargamentong gulay ng EMV sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Cagayan de Oro na pawang idineklarang “steamed buns’ (siopao).

Diin pa ng intelligence group ng ahensya, makailang ulit ng nahagip ang mga karga­mento ng EMV Consumer Goods, na nagpapalit lamang ng pangalan sa tuwing nabubulilyaso.

Sa tala ng BOC, mayroon pang 19 na kargamentong nakapangalan sa EMV Consumer Goods ang itinengga ng tanggapan ng kawanihan sa Cagayan de Oro makaraang mahagip ng mga operatiba ang bulto-bultong gulay na inangkat pa mula sa bansang Tsina.

Kasabay ng pagkakabisto ng modus ng EMV Consumer Goods, tiniyak ng BOC ang pagsasampa ng patung-patong na asunto hindi lamang laban sa nasabing kumpanya kundi maging sa mga opisyales nito.

Bukod sa EMV, masusi na rin nirerebisa ng ahensya ang rekord ng iba pang mga importers na dawit sa “misdeclaration of goods” ka­ugnay ng kanilang bigong pag pupuslit ng iba’t ibang uri ng kargamento.

124

Related posts

Leave a Comment