PINAG-ISANG PAMAMAHALA NG BJMP AT BUCOR, HAKBANG SA TUNAY NA REPORMA – CONG. BRIAN YAMSUAN

TARGET NI KA REX CAYANONG

ISANG makabuluhang panukala ang isinusulong ngayon ng Department of Justice (DOJ) na pag-isahin ang operasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ay may buong suporta ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan, na naniniwalang ito ang tamang direksyon upang maisulong ang kinakailangang reporma sa ating correctional system.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang matagal nang suliranin sa ating mga piitan—mula sa masisikip at di-makataong kulungan hanggang sa mga katiwaliang nagiging balakid sa rehabilitasyon ng persons deprived of liberty (PDLs).

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang BJMP na nangangasiwa sa city at municipal jails, samantalang ang BuCor naman ay nasa ilalim ng DOJ na nangangasiwa sa mas malalaking penal facilities.

Sa pamamagitan ng pagsasama ng operasyon ng dalawang ahensya, inaasahang mapasisimple ang sistema, mas mapadadali ang paglalaan ng pondo, at higit sa lahat, matitiyak na ang bawat kulungan ay hindi lamang magiging espasyo ng pagkakapiit kundi isang tunay na rehabilitation center.

Hindi dapat maging sentro ng pagdurusa ang ating correctional facilities kundi isang pagkakataon para sa pagbabago ng buhay ng PDLs.

Ang panukalang ito ay patunay na may seryosong adhikain ang ating gobyerno na iwasto ang mali at pagandahin ang sistema ng hustisya.

Ngunit hindi ito dapat matapos sa pagsasama lamang ng operasyon. Kailangan ang masusing implementasyon, sapat na pondo, at mahigpit na pagbabantay upang matiyak na tunay na pagbabago ang magaganap.

Ang reporma sa ating correctional system ay isang hakbang hindi lamang sa pagpapatibay ng batas kundi sa pagbibigay ng bagong pag-asa sa mga nagnanais na maituwid ang kanilang landas.

Malinaw na sa mata ng hustisya, ang pagkakakulong ay hindi katumbas ng kawalan ng karapatang mamuhay nang may dignidad.

6

Related posts

Leave a Comment