NANANATILING zero o walang kasong naitatala ng monkeypox sa Pilipinas.
Ang dahilan ayon kay Infectious Disease Expert Dr Edsel Salvana, mahigpit ang pagbabantay ng gobyerno para matiyak na hindi makalulusot ang naturang sakit sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi pa ni Dr. Salvana na maliban sa active surveillance, ipinayo nito ang pagsusuot ng face mask na isa aniyang mabisang paraan para makaiwas sa Monkeypox.
Sa kabilang dako, inalis naman ni Dr. Salvana ang pangamba ukol sa nasabing sakit na hindi naman aniya katulad ng COVID-19 na noong nagsimula dalawang taon na ang nakararaan ay sadyang walang impormasyon at nangangapa ang mga eksperto tungkol dito.
Sinabi pa nito na marami nang nakakaalam sa Monkeypox at may mga available na gamot naman para rito.
“As of May 21,” tinatayang nakakalat na sa 12 bansa ang monkeypox. (CHRISTIAN DALE)
