IMBESTIGAHAN NATIN ni JOEL O. AMONGO
SA kabila nang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa buong bansa, naniniwala pa rin ang karamihan sa mga Pilipino na matutupad ng gobyerno ang pangako na maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Sa Pulso ng Pilipino 2023 Year Ender Report ng ISSUES & ADVOCACY CENTER mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 4, 2023, nasa 41% pa ang NANINIWALA, 34% ang HINDI NANINIWALA at 25% ang HINDI KO ALAM.
Ang tinanong sa survey ay 1,200 katao na kumatawan sa 63 milyong Pilipino sa buong bansa.
Sa 1,200 na tinanong, 178 nito ang mula National Capital Region (NCR); 22 mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); 67 mula sa Region 1; 44 mula sa Region II; 129 mula sa Region III; 171 mula sa Region IV; 70 mula sa Region V; 100 mula sa Region VI; 84 mula sa Region VII; 61 mula sa Region VIII; 48 mula sa Region IX; 42 mula sa Region X; 73 mula sa Region XI; 33 mula sa Region XII; 44 mula sa ARMM, at 34 mula sa CARAGA.
Matatandaan noong May 9, 2022 Presidential Election, ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na pabababain niya ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Makalipas ang isang taon at kalahati sa panunungkulan ni Pangulong Bongbong Marcos, hindi pa rin niya natupad ang ipinangakong pagbaba ng presyo ng bigas.
Imbes na bumaba ang presyo ng bigas ay lalo pa itong tumaas ngayong Disyembre 2023, na halos wala nang mabiling mas mababa pa sa P50 kada kilo ng bigas sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa halip na bumaba ay posible pang tumaas at umabot sa P60 kada kilo ang bigas.
Pero sa kabila nang patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas sa buong bansa ay umaasa pa rin si Juan dela Cruz na maaari pa itong mapababa ng gobyerno.
Matatandaan kamakailan, nagbabala ang isang rice price watchdog na maaari pang umabot ng hanggang P60 ang kada kilo ng regular-milled rice sa bansa hanggang sa Kapaskuhan.
Ang babala ay ginawa ng Bantay Bigas dahil na rin sa gaps sa lokal na suplay at tumataas na presyo sa international market.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, hindi lamang sa Metro Manila mataas ang presyo ng bigas kundi maging sa mga rice producing province.
Kabilang na rito ang lalawigan ng Aurora na nasa P52 ang kada kilo ng pinakamurang bigas.
Abangan na lang natin sa pagpasok ng taong 2024 kung ano kalalabasan ng susunod na survey ng ISSUES & ADVOCACY CENTER sa usapin ng presyo ng bigas.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
253