Pirmado na ni PBBM SIM CARD OBLIGADO NANG IPAREHISTRO

OPISYAL nang tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na naglalayong iparehistro ang Subscriber Identity Module at i-promote ang pananagutan sa paggamit ng SIMs.

Idinaos ang ceremonial signing sa Ceremonial Hall ng Malakanyang, Lunes ng umaga, Oktubre 10 na dinaluhan ng ilang key government officials.

Ngayong batas na ang SIM Card Registration ay inaasahang hindi na magagamit sa krimen ang mga rehistradong SIM cards, masasawata ang pagpapadala ng spam messages sa mga subscriber at mga panloloko sa pamamagitan ng cellular phone.

Magiging madali na rin ang pagtukoy sa mga nasa likod ng text scams at online messaging dahil obligado na ang lahat na irehistro ang kanilang SIM cards.

Ipinagbunyi naman ito sa Kamara dahil magkakaroon na umano ang publiko ng proteksyon laban sa scammers at iba pang kriminalidad.

“On behalf of members of the House of Representatives, we would like to convey our heartfelt gratitude to President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. for signing into law the SIM Registration Act or Republic Act (RA) No. 11934, the very first bill signed into law by this administration,” ani House Speaker Martin Romualdez.

Sa ilalim ng nasabing batas, kailangang irehistro na ang lahat ng prepaid SIM Cards kasama na ang mga kasalukuyang ginagamit ng milyon-milyong subscribers.

Sinabi naman ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian na walang dapat ipag-alala ang publiko sa nasabing batas dahil tulad ng mga post-paid subscriber ay hindi isasapubliko ang pangalan ng mga ito maliban lamang kung iuutos ng Korte.

Pinaalalahanan din ng mambabatas ang lahat ng mga gumagamit ngayon ng prepaid SIM Card na irehistro ang kanilang numero dahil kung hindi ay puputulin ng Public Telecommunication Entity (PTE) ang kanilang linya.

Ipinagpasalamat din ng mga senador ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang SIM registration.

Ayon kay Senate committee on public services chairperson Grace Poe, layon ng batas na labanan ang anomang panlilinlang gamit ang cellphone nang may paggarantiya at paggalang sa karapatang pantao.

May sapat anyang pananggalang ang batas para matiyak ang karapatan ng ating mga kababayan bilang mga pribadong mamamayan.

Iginiit naman ni Senador JV Ejercito na isa itong importanteng hakbang laban sa mga scam at iba pang kriminal na aktibidad.

Tiniyak din ni Ejercito sa publiko na mahigpit nilang babantayan ang pagpapatupad ng batas at hindi mangyayari ang pinangangambahan ng ilang grupo.

Sinabi naman ni Senador Jinggoy Estrada na dahil sa pagsasabatas nito ay mapapabilang na ang Pilipinas sa mga bansang nagmamandato ng SIM registration.

Binigyang diin ni Estrada na sa panahong mas laganap na ang digital adoption ay dapat lang na may batas alinsunod sa panahon at sa pangangailangan ng komunidad.

Hindi man anya ito maging ganap na solusyon, naniniwala ang mambabatas na malaking dagok ito para sa mga kriminal na sinasamantala ang anonymity sa paggamit ng mga prepaid SIM card. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

143

Related posts

Leave a Comment