‘PLANTING OF EVIDENCE’ RAKET NG MPD STATION COMMANDER?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KAHIT na nakalkal sa isinagawang pagdinig kamakailan sa House of Representatives Quad Committee ang kalokohan na kinasasangkutan ng ilang kagawad ng pulisya ay hindi pa rin natigil ang ginagawa nilang pagtatanim ng ebidensiya sa kanilang mga hinuhuli.

Ayon sa sumbong sa PUNA, isang station commander sa Pulis Maynila ang inoobliga ang kanyang mga tauhan na manghuli nang lingguhan na may kinalaman sa illegal possession of firearms at drugs.

Kapag walang mahuli ang mga ito ay sasabihin ng kanilang station commander na taniman ng ebidensya para magkaroon sila ng huli.

Ibang klaseng patakarang ito, perwisyo sa taumbayan ang mga ito, kawawa naman ang kanilang mabibiktima.

Dapat ang ganitong klaseng PNP official ay hindi na pinatatagal sa pwesto kasi marami itong pahihirapang mga ordinaryong Pilipino.

Wala sa mamang ito ang Philippine National Police (PNP) motto, “To Serve and Protect.” Mali ata ang pagkakaintindi nito sa kanilang motto, baka gusto niyang protektahan ang mga drug lord, hindi ang taumbayan na nagpapasweldo sa kanya.

Bukod sa utos ni Major na taniman ng ebidensiya ang walang kamuwang-muwang na Pilipino ay nagpapakolekta pa ito ng pera mula sa kawawang naghahanapbuhay na mga vendor sa nasasakupan nito sa Maynila. Matindi ang pangangailangan sa pera ni Major, ilang pamilya kaya ang binubuhay ni sir?

May raket din si Major sa motornapping na pinadadaan niya sa barangay para hindi halata, hindi umano pinapa-blotter ni sir ang mahuhuling motornapping.

Dalawa ang nakikita nating pinagkakakitaan ni Major dito, una, maaaring hingan ng pera ang suspek at pakawalan, pangalawa kukunin nila ang motor at hindi isasauli sa mga may-ari nito.

Ang lakas ng loob ni Major, hindi kaya niya naisip na ‘pag nabulgar ito ay posibleng ikatanggal niya ito sa kanyang pagiging pulis. Major ka na boy, ‘di mo inisip na masisibak ka?

Ilang kembot mo na lang ay magiging kernel at general ka na, kundi ka lang mabisyo, ang sinusuweldo mo ay sapat na para mabuhay ang iyong pamilya, hindi ang maraming pamilya.

Naku Major, galit si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil sa katulad mong suma-sideline sa illegal na gawain lalo na ‘yang “planting of evidence.”

General Marbil, sir, kung gusto n’yong malaman kung sino

‘yan, pwede ko pong ibulong sa inyo para makilala n’yo.

Si Major ay patuloy na sumisira sa imahe ng PNP kaya dapat hindi na ito magtagal sa kanyang pwesto.

Clue, General Marbil, sir: siya si Major LYA na station commander ng Manila Police District (MPD).

128

Related posts

Leave a Comment