MY POINT OF BREW Ni JERA SISON
ITO ang kasabihan sa sports. Kapag maganda at sunod-sunod ang panalo ng isang koponan, ang bida ay ang mga manlalaro. Kapag talunan, palpak daw ang coach at dapat palitan. Ang mahirap sa iba riyan ay hindi naman nila alam ang istorya sa likod nito.
***
Tulad na lang sa nangyayari sa SBP at Gilas Pilipinas. Dahil sunod-sunod ang pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA Asia Qualifying Round na ginanap sa Indonesia, kasama na ang hindi matagumpay na pagdepensa ng korona sa basketball sa nakaraang SEAGames, ang unang sinisisi ay si Coach Chot Reyes. Dapat daw ay ibalik si Coach Tab Baldwin. Haller?!
***
Saludo ako sa paliwanag at depensa ni SBP President Al Panlilio kay Reyes. Marahil ay hindi nakapagpigil si Panlilio upang isiwalat ang tunay na dahilan sa likod ng mahinang performance ng Gilas Team.
***
Iniwan pala sa ere ni Coach Tab Baldwin ang Gilas Team noong buwan ng Pebrero at magpo-pokus daw siya sa Ateneo Blue Eagles para sa UAAP. Ha?! Inuuna ang eskwelahan kapalit ng karangalan ng bansa? Ang tanong… nanalo ba ang Ateneo? Hindi ba’t tinalo ng UP ang Ateneo.
Sa kampeonato? Dagdag pa rito ang pinag-uusapan ay napakalakas ng Ateneo dahil nasa kanila ang pinakamagaling na players sa nasabing torneo. Eh bakit natalo? Bakit wala tayong masyadong narinig na batikos kay Baldwin?
***
Mabuti nga at tinanggap ni Chot Reyes ang hamon na pumalit upang mag-coach ng Gilas Team bagamat hinayaan ni Baldwin na maglaro ang magagaling ng mga miyembro ng Gilas Team upang maglaro sa ibang bansa. Kaya naman nagkakandarapa si Coach Chot magbuo ng panibagong players para sa Gilas.
***
Para sa akin ay hindi nag-pabaya ang SBP bagkus si Baldwin ang nagpabaya upang mabuwag ang komposisyon ng Gilas Team na nag-uumpisa nang lumakas ang kanilang lebel sa Asya. Ang SBP ay handang tumulong at magbigay ng karampatang pondo at suporta. Malinaw ito sa resulta sa sunod-sunod na pagkapanalo ng Gilas.
***
Ngayon naman, ilan sa may makikitid ang utak ay tiningnan ang pahayag ng Senado na nais nilang magkaroon ng Senate Inquiry, na isang pagbatikos sa ginagawa ng SBP. Haller? Ang nasabing resolusyon ay upang makatulong ang Senado upang palakasin ang programa ng basketball sa Pilipinas.
***
Nakasaad sa Senate Resolution No. 83-2022 ” To conduct an inquiry in aid of legislation on the ways to support Gilas Pilipinas Men with the end view of reviewing relevant laws and policies to ensure optimal performance in future sports competitions and to protect the welfare of Filipino athletes”.
***
Malinaw pa sa sikat ng araw na nais tumulong ang Senado para makagawa ng batas upang palakasin ang suporta para sa Gilas Pilipinas. Dagdag pa rito, ang chairman ng SBP ay si Sen. Sonny Angara. Kaya nakapagtataka na may mga taong negatibo ang tingin nila sa nasabing inquiry ng Senado.
***
Tandaan, wala ni isang kusing na pera ng taumbayan ang ginagamit dito. Ang nagpopondo nito ay malalaking mga korporasyon na ang hangad ay maibalik ang ningning ng Pilipinas sa larangan ng basketball.
***
Kaya MOVE ON na tayo kay Tab Baldwin! Harapin at suportahan natin ang Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Cup sa 2023 kung saan ang Pilipinas ay magho-host ng nasabing torneo. Noong husto ang preparasyon ng Gilas Team na nag-coach si Chot Reyes noong 2012 hanggang 2014, naipanalo niya ang Gilas Pilipinas ng gold medal sa Jones Cup (2012), silver medal sa Fiba Asia Championship (2013), at bronze medal sa FIBA Asia Cup (2014).
191 