FAKE news ang kumakalat na may mga barkong pandigma ang China na namataang naglalayag malapit sa Jose Panganiban sa Camarines Norte.
Agad na nagpalabas ng paglilinaw ang Philippine Navy noong Lunes, Pebrero 17, na ang foreign warships na namataan malapit sa Jose Panganiban ay pagmamay-ari ng France, United States at Japan. Hindi umano ito pagmamay-ari ng China.
Ipinaliwanag ng PN na ang United States Navy, Marine Nationale, at Japanese Maritime Self-Defense Force ay nagsasagawa ng malaking naval exercises sa Philippine Sea bilang bahagi ng “Exercise Pacific Steller 2025.”
“These are not Chinese warships; these are foreign vessels composed of the French Navy, U.S. Navy, and Japanese Maritime Self-Defense Force that are conducting a naval exercise hosted by the French Navy in the Philippine Sea dubbed as ‘Exercise Pacific Steller 2025’ which started last February 8, 2025. This exercise is a multi-large deck event (MLDE) designed to advance coordination and cooperation among French, Japanese, and U.S. maritime forces,” ayon sa inilabas na paglilinaw ng Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL).
Hinihinalang ang unang kumalat na balita hinggil sa mga barko ng China PLA Navy ay ang ‘sighting’ ng aircraft carrier Charles de Gaulle (R91) carrier battle group na nasa 50 Nautical Miles mula Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ayon sa Philippine Navy, ang French Navy flotilla, na pinangungunahan ng aircraft carrier Charles de Gaulle (R91), ay nagsisilbing opposing force laban sa American at Japanese forces sa naturang exercise na nakasentro sa USS Carl Vinson (CVN-70) at JS Kaga (DDH184), at kanilang mga escort. (JESSE KABEL RUIZ)
