TIYAK na maaapektuhan ng ipapatupad na curfew ng ibat-ibang local government units (LGUs) ang mga manggagawa lalo na ang nagtatrabaho sa panggabi.
Ngayong sumipa ng husto ang kaso ng covid-19 sa ibat-ibang lugar sa National Capital Region, nakatakdang magpatupad ng tinatawag na unified curfew ang lahat ng mga lungsod sa Metro Manila simula Marso 15.
Kaakibat ng pagpapatupad ng curfew ay ang mga checkpoints na ipinatutupad ng Philippine National Police sa ibat-ibat lugar.
Katunayan, wala pa man ang unified curfew ay mayroon nang mga isinasagawang checkpoints na nagdudulot sa maraming nagtatrabaho na mahuli sa kanilang mga pinapasukang kumpanya.
Lehitimong mga manggagawa ang naaapektuhan dahil sa pag-uwi nila o papasok sila sa kani-kanilang trabaho ay napupehuwisyo sila ng mga umiiral na checkpoints.
Lalo na ang call center agents na ang kanilang trabaho ay kadalasang sa gabi.
Marami kasi sa call center agents ay mga naka-motor na madalas na nasisita sa mga checkpoints ng PNP.
Kamakailan ay inirekomenda nga ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Metro Manila mayors na magkaroon na ng pare-parehong curfew hour o unified curfew.
Bago ito ay iba-iba kasi ang curfew hours sa ibat-ibang LGUs sa Metro Manila kaya nalilito na ang iba nating mga kababayan.
Tulad ng Caloocan City na may ipinatutupad na curfew hour mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw.
Ang iba naman ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Kaya nga umapela na ang The Passenger Forum (TPF) sa Metro Manila mayors sa implementasyon ng unified curfew at ikunsidera rin sana ang kalagayan ng nightshift workers.
Pangunahing problema ng mga panggabing manggagawa ay ang kanilang mga sinasakyan sa gabi, bihira kasing may bumibiyaheng sasakyan sa gabi.
Sabayan pa ng kaliwat-kanang check points na ipinatutupad ng pulisya.
Maraming manggagawang panggabi ang nahuhuli ng gabi-gabing check points ng pulisya sa National Capital Region (NCR).
Kamakalawa (March 10, 2021) ay may nakita tayong ipinost sa isang facebook account na sinita raw sila ng isinasagawang check point sa Villa Luisa sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City.
Nakilala nila ang isa sa mga pulis na nagsasagawa ng check point ay nangangalang Villanueva hindi raw nito tinanggap ang kanilang paliwanag na kaya sila nagpunta sa lugar ay para sa kanilang maliit na negosyo na sisig at pares mami.
Sa kabila raw ng kanilang paliwanag kay Villanueva ay isinakay pa rin sila sa mobile ng pulisya hanggang tiniketan sila nito.
Gusto mabuhay ng pobreng pamilyang ito kaya kahit gabi ay sinisikap nilang kinabukasan ay may paninda sila.
Mismo na ang Department of Trade and Industry (DTI) ang nagsabi na kailangan nang magbukas ng mga negosyo partikular sa NCR para makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkalugmok nito sa Covid-19 pandemic.
Kamakailan lumabas na mahigit apat na milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa pananalasa ng Covid-19.
Unti-unting pinayagan ng gobyerno na magbukas ang ilang mga negosyo, pero walang malinaw kung paano nilang titimbangin ang pagpapatupad ng curfew na inimiplementa naman ng pulisya.
Suhestiyon ng PUNA na maglabas ng malinaw na panuntunan ang DILG kaugnay sa isinasagawang check points ng pulisya sa buong Metro Manila.
Nasa ilalim kasi ng pangangasiwa ng DILG ang pambansang pulisya.
Dapat i-identify nila ang maaaring exempted sa curfew hours na ipinatutupad ng pulisya.
Nang sa gayun ay hindi sila napeperwisyo.
Sinisikap ng mga ordinaryong manggagawa na mabuhay sila sa gitna ng panganib na dulot ng Covid-19, subalit napeperwisyo pa sila ng mga awtoridad mismo.
Dapat maging malinaw kung sino ang exempted at hindi sa curfew hours.
Wala sanang problema kung suportado lahat ng gobyerno ang pangangailangan ng mamamayan sa Metro Manila, kahit hindi pa sila magtrabaho at magpalaki na lamang sila ng kani-kanilang balls sa kanilang mga bahay.
Anong gagawin nila sa kani-kanilang mga bahay ngumanga na lang sila? Ay naku! Isip-isip din tayo minsan mga nasa checkpoints.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
166 