BINIRA ni Senador Leila De Lima ang pinalutang na anggulo ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa droga ang isa sa apat na sundalong napatay sa tinaguriang Jolo shooting dahil nakatala ito sa drug matrix na iprinisinta ni Pangulong Duterte noon.
Sa pahayag, sinabi ni De Lima na hindi lamang pinaka-kabalintunaan ang katuwiran ng PNP bagkus pinakakumbinyenteng dahilan upang patayin ang apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
“Like a most repeated but overused refrain, the PNP points to Corporal Abdal Asula, one of the slain AFP operatives, as being involved in a so-called “drug matrix”, as if this in itself justifies the
massacre of the AFP operatives and exculpate the PNP from liability for the cold-blooded murders,” giit ng senador.
Sinabi ni De Lima na una, tila pinangangatawanan ng PNP na kapag nasa “drug matrix ka, puwede nang todasin ang sangkot maging kung sinoman ang kanyang kasama sa anomang panahon.
Aniya, sa lahat ng intent and purposes, kumbinsido ang PNP na justification ang drug war sa lahat ng kanilang krimen kabilang ang extra-judicial killings, harassment, extortion, shakedowns, rape, etc.
Iginiit pa ni De Lima na malinaw na pinaiikot lamang nila ang lahat dito sa maling drug war: papatayin ang suspek kahit hindi pa ito nasasakdal sa korte. (ESTONG REYES)
