PNP, LGUs inalerto BICOL, VISAYAS TUTUMBUKIN NG BAGYONG JOLINA

INALERTO ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang buong puwersa ng pulisya sa Bicol at Eastern Visayas gayundin sa iba pang lugar hinggil sa posible pang epekto ng bagyong Jolina.

Sinasabing sa loob ng susunod na 24-oras ay inaasahan ang patuloy na pananalasa ng bagyo at posibleng magdulot ito ng malalakas na pag-ulan sa area ng Masbate, Leyte, Biliran, Samar, Northern Samar, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines provinces, Southern Quezon, Romblon, at Marinduque.

Bilang kasapi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa panahon ng kalamidad, agad na inatasan ni P/Gen. Eleazar ang area at provincial commanders na tumulong sa paghahanda ng mga lokal na pamahalaan tungkol sa epektong dulot ng bagyong Jolina na maaaring tumagal pa hanggang sa Huwebes.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Sa gitna ng panibagong banta ng bagyo, inatasan ko na ang ating kapulisan sa mga apektadong lugar ng tropical storm Jolina na makipag-ugnayan sa kani-kanilang LGUs sa paghahanda at pagresponde sa ano mang epekto nito sa ating mga kababayan”.

Nauna rito, sinagip ng mga awtoridad ang ilang residenteng inabutan ng baha sa kanilang mga bahay sa Barangay San Isidro, Ormoc City nitong Martes. Sinagip ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Ormoc ang ilang mga residente, kabilang ang mga bata at matanda, sa Barangay Punta dahil sa biglang pagtaas ng tubig baha dala ng bagyong Jolina.

Kasalukuyang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa hilagang bahagi ng Leyte, kabilang na ang Ormoc Hatinggabi noong Lunes nang simulan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagsagip sa ilang residente dahil sa pagtaas ng baha sa kanilang lugar. Base sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA, alas-11:00 ng umaga

huling namataan ang sentro ng bagyo sa Dimasalang, Masbate.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kph. (JESSE KABEL)

176

Related posts

Leave a Comment